ILANG oras nalang, malalaman na kung sino sa tatlong aktres na may apelyidong Santos ang magwawagi bilang Best Actress sa gaganaping “Gabi ng Parangal” ng 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Solaire Resort Entertainment City sa Paranaque.
Kanya-kanyang post ang supporters nina Judy Ann Santos, Aicelle Santos at Vilma Santos kung sino ang gusto nilang manalo at base rin sa napanood nilang performances ng bawat isa.
Ibang Vilma naman ang mapapanood sa “Uninvited” dahil kadalasang role ni Ate Vi ay mabait bilang asawa, ina, kaibigan –depende sa istorya.
Mabait at mapagmahal siyang ina kay Lily (Gabby Padilla) sa nasabing pelikula, pero nang gawan ng masama ang anak ay dito na niya inisip na kailangan niyang bigyan ng hustisya ang pagkamatay nito lalo’t nagpakita ito at nagsabing, “Nay, wag kang magtitira.”
Nauna naming napanood si Ms. Vilma sa karakter na binaboy siya kaya kailangan niyang gumanti sa pelikulang “Tagos ng Dugo” (1987) at pagkalipas ng 37 years ay binalikan niya ang karakter na naghihiganti sa “Uninvited” bilang si Eva Candelaria para sa anak niyang si Lily na binaboy ng karakter ni Aga Muhlach na si Guilly Vega.
Baka Bet Mo: #MMFF2024: Sino kaya ang hahakot ng awards sa ‘Gabi ng Parangal?’
Kimkim ang galit ni Eva, pero nang sumabog ay hindi na napigil lalo na nu’ng si Guilly na ang kaharap kaya nang mabigyan ng pagkakataon ay inubos niya ang lakas niya para mapatay ito.
Ang ganda ng eksena ng tatlong bidang sina Aga, Nadine Lustre at Ms. Vilma bagay na pinalakpakan ng mga taong nakapanood na.
Kaya naman sobrang proud ang Mentorque producer na si Bryan Diamante sa kinalabasan ng idinirek ni Dan Villegas ng Project8Projects at kasalukuyang humahataw ngayon sa box office.
Napanood din namin ang “Espantaho” at magaling talaga si Juday, lalo na sa confrontation scene nila nina Chanda Romero, legal wife at Lorna Tolentino, kabit at ina ng ng una.
Pinapalayas na ni Chanda sina Judy Ann at anak na nitong si Kit (Kian Co) sa bahay na pag-aari nila ng asawang namayapa pa, pero lumalaban si Lorna bilang ina ni Juday na huwag pumayag dahil may karapatan din sila ng anak niya.
Naiipit si Juday sa dalawa at malumanay niyang kinakausap si Chanda bagay na ayaw ni Lorna kaya nagwawala ito lagi na anak lang niya ang nakakakita nga gusto nitong lumaban ang una.
Mahinahon ang karakter ni Judy Ann sa “Espantaho” pero nu’ng nalaman niyang niloloko siya ng ama ng anak niyang si Jack (JC Santos) ay doon na lumabas ang pangil niya.
Naluha kami sa ending ng pelikula na nagkaayos na sina Chanda at Lorna habang palabas na ng sementeryo ang tatlo ay hindi na sumunod ang huli dahil katwiran niya handa na niyang iwan ang anak dahil may makakasama na ito na ibig sabihin ay tatawid na sa kabilang buhay si LT.
Magaling si Juday dahil ibang level ng pag-arte na naman ang napanood sa kanya sa MMFF entry na idinirek ni Chito Rono handog ng Quantum Films, Purple Bunny Productions at Cineko Productions.
Sad to say hindi pa namin napanood ang “Isang Himala” ni Aicelle Santos kaya wala kaming maikukuwento, pero base sa mga nabasa naming reviews at kwento ng mga nakapanood na kasama namin sa hanapbuhay ay nagulat din sila dahil magaling ang singer-actress ng GMA Network.