KAPAG sinabing Christmas Tree, ang madalas na naiisip natin ay berdeng puno na overloaded ng makukulay na dekorasyon.
Pero sa panahong ito, maraming Pinoy ang nagpapakita ng kanilang malikhaing galing sa paggawa ng kakaiba at hindi pangkaraniwang bersyon ng Christmas tree –mula sa recycled materials hanggang sa mga temang out-of-this-world.
Tara’t silipin ang mga Christmas tree na tiyak na mapupukaw ang inyong diwa ng Pasko!
Crochet Christmas Tree
Agaw-pansin sa Mandaue, Cebu ang 24-foot tall Christmas Tree na gawa sa crochet o ginantsilyo.
Ayon sa isang Facebook page, aabot sa 50 skilled artisans ang bumuo ng nakakamanghang masterpiece at inabot daw ng mahigit 2,000 hours o halos tatlong buwan ang paggawa nila ng 800 Christmas Balls.
Baka Bet Mo: 4 ‘M’ kontra ’12 Scam of Christmas’: Huwag magpabudol sa mga sindikato
“Don’t miss the chance to experience this one-of-a-kind tree—it’s the ultimate blend of holiday cheer and Filipino craftsmanship!” paglalarawan sa post ng Kalami Cebu.
Harry Potter-themed Christmas Tree
Magical at buhay na buhay ang pagdiriwang ng Pasko ng netizen na si Marsha Gatmaytan matapos ibandera sa social media ang kanyang Harry Potter-themed Christmas tree!
Talagang mapapa-wow ka sa kanyang dekorasyon dahil mistulang bahagi ng Hogwarts School ang puno na may pa-floating candles pa.
Bukod diyan, hindi rin mawawala ang iconic pet owl ni Harry Potter na si Hedwig, pati na rin siyempre ang mga wand na nakasabit sa Christmas Tree.
Kwento samin ni Marsha, “Ako talaga ‘yung pinaka Potterhead sa family pero Harry Potter has always been a family favorite. Each year, tina-try ko na iba-ibang theme ‘yung tree namin sa apartment. Last year, the grinch naman. This year, nagkataon na other family members gifted us with Harry Potter trinkets making this set up possible.”
Stained-glass inspired Christmas Tree
Nagbigay-liwanag naman sa tinaguriang Summer Capital of the Philippines ang higanteng Christmas Tree na inspired sa “stained glass.”
Ang 14-meter na puno ay makikita sa Session Road sa Baguio na may temang “faith, hope, and love.”
“The tree was constructed using fiberglass and steel, with a dynamic lighting sequence and the total cost was 1.5 million pesos,” saad sa FB post ng Baguio City Public Information Office.
Mensahe naman ni Baguio Mayor Benjamin Magalong, “This year’s design, every time we pass or see it, will remind us right away of the real reason for the season –the birth of our savior Jesus Christ.”
Dessert Christmas Tree
Kakaibang holiday vibe naman ang hatid ng Lake Farm de La Marre Agri-Tourism sa Nueva Ecija na kung saan isang Dessert Christmas Tree ang kanilang ibinida ngayong taon.
Ang puno ay binihisan ng iba’t ibang klase ng candies tulad ng lollipops, candy canes, at giant gumdrops, na parang mula sa isang candy factory.
Bagamat mukhang tunay na nakakagutom ang mga dekorasyon, ang mga ito ay gawa sa makukulay na synthetic materials na perpektong ginaya ang hitsura ng mga paboritong candies.
Ang makulay na tema nito ay nagbibigay ng masaya at kakaibang holiday vibe na siguradong magpapangiti sa lahat, lalo na sa mga mahilig sa sweets!