NAPILITANG sagutin ng OPM icon at aktor na si Boboy Garrovillo ang tungkol sa kinasangkutang iskandalo noon ng kanyang kaibigang si Jim Paredes.
Magkasama ang dalawa sa iconic singing trio na APO Hiking Society with the late Danny Javier at taon na rin ang binibilang ng kanilang friendship kahit hindi sila masyadong nagkakasama nang personal.
Naging special guest si Boboy sa cooking talk show na “Lutong Bahay” hosted by Mikee Quintos na napapanood sa GTV kung saan napag-usapan nga ang tungkol sa video scandal ni Jim a few years ago.
Sumalang sa segment na “Kitchen-terrogate” ang veteran actor at isa sa mga naitanong sa kanya ni Mikee ay kung nagalit o nagtampo ba siya naturang video scandal ni Jim.
Kapag tumangging sumagot si Boboy sa tanong ay kailangan niyang kainin ang mapipiling secret food na halos lahat ay maasim.
Ayaw sanang sagutin ni Boboy ang tanong noong una ngunit nag-decide din siya na sagutin ito, “Sige. Nagalit ako. Wala na ha!”
Natanong din siya kung sino sa mga artistang nakatrabaho na niya sa pelikula at teleserye ang ayaw na niyang makatrabaho uli.
“Gusto kong sabihin pero ayaw ko. Ibubulong ko na lang sa inyo pagkatapos,” aniya pa.
Pero tila hindi rin siya nakatiis kaya super give siya ng clue kung sino ang artistang ito na may initial na “W.”
Nahingan din siya ng message para sa yumaong singer-songwriter na si Danny Javier, na namatay noong 2022.
“I really miss you, especially when we have very, very successful shows. We wish we could share it with you. I’m sure, tumatalun-talon ka rin sa langit,” pahayag ni Buboy.
“Can you imagine, for 45 years, we’ve been performing together tapos siya ‘yung spokesperson namin sa stage, lahat ng banter namin sa stage, lahat ng katuwaan namin, lahat ng gimik nasa gitna siya,” chika pa ni Boboy.
“Tapos nag-umpisa kami ni Jim last year mag-concert muli, parang tinatakbo namin ‘yung mga spiels, nabubungi eh. ‘Sinong magsasabi nu’n?” dagdag pa niya.
Dagdag trivia pa ng singer-actor, binuo nila ang APO bilang trio kaya hangga’t maaari ay hindi sila tatanggap ng gigs nang solo.
“Kasama namin siya noong we were building the Apo Hiking Society to something greater than us. Kaya hindi kami nagso-solo, eh.
“Hindi kami puwedeng mag-solo, ang lakas namin kapag magkakasama kami,” pahayag pa ni Boboy.