Ending ng MMFF entry na ‘Hold Me Close’ nina Carlo at Julia kaka-shookt

Ending ng MMFF entry na 'Hold Me Close' nina Carlo at Julia kaka-shookt

Carlo Aquino, Julia Barretto, Jason Paul Laxamana, Jairus Aquino at Migo Valid

HINDI kami nabigo sa ipinakitang akting nina Carlo Aquino at Julia Barretto sa kanilang Metro Manila Film Festival 2024 entry na “Hold Me Close” under Viva Films and Ninuno Media.

Expected na namin ang magic at karisma ng kanilang tambalan on screen dahil nagustuhan ko rin ang first movie nila together, ang “Expensive Candy” na ipinrodyus din ng Viva Films.

Napanood namin ang buong pelikula sa ginanap na premiere night ng “Hold Me Close” nitong nagdaang Martes, December 17 sa Cinema 2 ng SM North EDSA, kasama ng ilan pang members ng entertainment media at ang cast members ng movie.

Baka Bet Mo: Julia may laban kina Ate Vi at Juday sa pagka-best actress sa MMFF 2024

Tama ang mga nakausap namin after ng screening, hindi na sila magtataka kung ma-nominate at manalo sina Julia at Carlo ng best actress at best actor sa MMFF 2024 Gabi ng Parangal dahil sa natural nilang aktingan sa bawat eksena.

Bukod kasi sa kilig na hatid ng dalawang bida sa kuwento, nabigyan din nila ng hustisya ang mga drama moments sa pelikula, lalo na ang kani-kanilang mga breakdown scenes.


Patatawanin at pakikiligin muna nina Carlo at Julia ang mga manonood sa simula at bandang gitna ng “Hold Me Close” pero sa bandang dulo ay kukurutin at babasagin na ang inyong mga puso.

Sasagutin ng “Hold Me Close” ang tanong na, “Kapag nagkrus ang landas ng isang manlalakbay at ng isang “clairvoyant” na dalaga, papabor ba sa kanila ang kapalaran, o paghihiwalay lang ang makikita nila sa kanilang future?”

Ginagampanan ni Carlo ang papel ni Woody, na pitong taon nang nagta-travel sa iba’t-ibang bahagi ng mundo para maghanap ng lugar na maaari niyang matawag na kanyang tahanan. Ang kanyang paglalakbay ay dadalhin siya sa siyudad ng Karatsu sa Saga, Japan.

Makikilala niya doon si Lynlyn, na ginagampanan ni Julia, isang charming pero misteryosong squid vendor sa local port market. Agad silang magki-click, at nagsisimula na ring maniwala si Woody na sa wakas ay natagpuan na niya ang kanyang tahanan.

Ngunit, isang lihim ang itinatago ni Lynlyn — ang kanyang kakaibang psychic ability. Mayroon siyang kakayahang makita kung saya o kalungkutan ang dadalhin sa kanya ng isang taong mahawakan niya. Dahil sa “gift” na ito, natuto na siyang maging maingat sa kanyang mga relasyon.


Sa una, walang nakukuhang signal si Lynlyn kung ano ang magiging epekto ni Woody sa buhay niya pero inisip ni Lynlyn na mabuti na rin ito kaysa naman kalungkutan  ang maramdaman niya.

Ito rin kasi ang unang pagkakataon na may nagpakita ng interes sa kanya kaya hinayaan niyang manligaw ito sa kanya. Pero dumating ang araw na nakaramdam ng kalungkutan si Lynlyn nang mahawakan niya si Woody.

Magkakaroon siya ng vision na sasaktan lamang siya nito. Kaya naman pipiliin niya na lumayo na lang kay Woody kahit pa malalim na ang kanilang koneksyon.

Pero determinado si Woody na patunayan kay Lynlyn na mali ang kanyang nakita. Ang tanong: Mababago ba ni Woody ang isip ni Lynlyn?

Tunay nga bang mas maalam ang puso kaysa sa babala ng tadhana? Alamin kung magtatagumpay sina Lynlyn at Woody na baguhin ang kanilang kapalaran.

Kinunan sa Japan ang kabuuan ng “Hold Me Close”, ito ang pangalawang pagtatambal sa pelikula nina Julia at Carlo matapos ang kanilang 2022 movie na “Expensive Candy” na idinirek din ni Jason Paul Laxamana.

Kung ang “Expensive Candy” ay tumalakay sa matapang at daring na tema, pakikiligin at sasaktan naman tayo nina Julia at Carlo sa romantic-drama na ito. Mapapakita sa “Hold Me Close” ang versatility ng dalawa bilang mga aktor.

Ang “Hold Me Close” din ang inaabangang pagbabalik-MMFF ng tambalang CarJul, huling lumabas para sa MMFF si Julia noong 2016 sa “Vince and Kath and James,” habang si Carlo naman ay huling napanood sa 2012 entry na “Shake, Rattle, and Roll XIV.”

Huwag palampasin ang muling pagsasama nina Julia at Carlo at alamin kung kaya nga bang magtagumpay ng pag-ibig sa kabila ng ibang pinapahiwatig ng tadhana. Palabas na sa mga sinehan sa buong bansa ngayong Pasko ang “Hold Me Close.”

Samantala, parehong inatake ng kaba at sobrang excitement ang dalawang bids ng naturang MMFF 2024 entry bago pa magsimula ang premiere night.

“Ang lamig ng kamay ko. ‘Di ko pa napapanood, this is the first. Excited pero kinakabahan,” sabi ni Carlo.

“Nakaabang ako sa reaction ng mga tao. I wonder how they will react to the love story,” sey naman ni Julia.

Dagdag ng aktres, “I am excited about the setting. I’m so excited to see how beautiful Japan is in the film and the way direk captured it to show the love story through the locations.”

Siyanga pala, siguradong magugulat kayo sa ending dahil talagang nagulat at napanganga kami sa nangyari. Sure kami na pagsisimulan ito ng debate sa mga manonood – kung tama at nararapat ba ang ginawang ending sa movie ni Direk Jason Paul.

Nakakatuwa rin ang mga eksena sa movie nina Jairus Aquino at Migo Valid bilang mga kapatid ng karakter ni Julia.

Read more...