Empleyadong pinipilit mag-perform sa Christmas party pwedeng magreklamo

Empleyadong pinipilit mag-perform sa Christmas party pwedeng magreklamo

STOCK PHOTO

PWEDE bang magreklamo at magsampa ng kaso ang isang empleyado kapag pinilit siyang mag-perform sa Christmas party ng kanilang kumpanya?

Yan ang tanong ng ilan naming mga kaibigan at kakilala, kabilang na ang mga bagong hired na employee sa iba’t ibang company.

At ngayong holiday season, siguradong sunud-sunod na ang nagaganap na Christmas party sa buong Pilipinas kung saan usung-uso ang mga pa-contest at production numbers.

In fairness, naging tradisyon na talaga ng mga Pinoy ang pagkakaroon ng mga Christmas presentation ng bawat departmento ng kumpanya. Kumbaga, ito yung panahong kinakarir ng bawat empleyado ang kanilang magiging performance sa party.

Baka Bet Mo: Ogie Diaz sa relasyon daw nina Liza at Jeffrey Oh: Basta happy sila!

Kadalasan, ang nagiging “biktima” ng mga ganitong klaseng katuwaan sa mga kumpanya ay ang mga bagong hired bilang bahagi raw ng “pagbibinyag” sa kanila.

Pero ang tanong nga riyan – labag ba sa batas kung ire-require ang isang empleyado na mag-perform sa party kahit hindi niya ito gusto o labag sa kanyang kalooban?

Yes! True! Pwedeng magsampa ng kaukulang reklamo ang isang employee kapag pinilit siyang mag-perform sa Christmas party o anumang katulad na event, lalo na kung wala ito sa kanyang job description.

Sa segment na “Naku Bawal Ito” o NBI ng DWIZ News, bawal ang ganitong senaryo ayon sa nakasaad na batas sa Labor Code of the Philippines.

Hindi raw puwedeng pilitin ang isang empleyado na mag-perform lalo na kung wala naman itong kinalaman sa kanyang trabaho at hindi rin siya maaaring piliting mag-practice after office at working hours.

Maliban na lamang daw kung babayaran ang empleyado ng overtime pay sakaling pumayag ito batay na rin sa Artikulo 89 ng Labor Code.

Mababasa naman sa Artikulo 83 na walong oras lamang ang dapat na ibigay ng isang empleyado sa kanyang trabaho, at kapag sumobra siya sa nakatakdang oras ng kanyang pag-uwi, kailangan na siyang bayaran ng overtime pay.

Dapat din daw huwag bigyan ng employer ng “no choice” option ang mga empleyadong ayaw mag-perform sa mga party para walang maging kaso.

Narito naman ang mga reaksiyon ng netizens sa social media hinggil sa usaping ito.

“Tama naman talaga ang batas. Hindi dapat pilitin at sindakin ang mga empleyado na ayaw mag-participate sa mga party. Karapatan nila yun.”

“Bawal nga pero at the end , kawawa Ang tumanggi. Mapag iinitan pa if ever.”

“Lalo na pag introverts, ayaw namin mga ganyang performance, hindi naman part ng trabaho at agreement sa contract yan, may buhay pa kasi kami at duties after work, mag grind pa kami sa games namin.”

“As an introvert, gawin mo na lang yan at lilipas rin po. Mas madali kasi na makisama na lang kaysa pag-initan at ibully ka. Mga extrovert kasi gusto nila lahat happy at masunurin sa kanila.”

“Kaya marami akong kaaway eh,kasi alam ko rights ko as an employee, hnd mo ko mapipilit kung ayaw ko,kaso kapag katuwaan payag naman ako jan, sayaw2x.”

“Its just for fun and once a year lang. joining companies’ activities also test new employee’s sense of cooperation and being a team player.”

“Pinag initan ako nung di ako umattend sa ganyan e araw araw buong 6 months kaya nag resign ako.”

“Kasiyahan lang naman, grabe naman kayo. Lahat na lang bawal.”

“Pag pnagsayaw ka magsayaw ka, daming hanash! Sumayaw kesa walang kainin!”

“Pakikisama ang tawag dyan. Dapat mag adjust din ang empleyado sa kanyang trabaho para makasundo nya lahat. Kung ayaw nya talaga at matindi ang hiya niya sa katawan pwede syang mag suggest na pwede nyang gawin para may ambag naman sya.”

Read more...