SO, trulili nga ang nakarating sa aming chika na isa sa pinakamagandang entry sa Metro Manila Film Festival 2024 ay ang “My Future You” nina Francine Diaz at Seth Fedelin.
Nabigyan kami ng chance na mapanood ang “My Future You” sa ginanap na Red Carpet Premiere kagabi, December 16, sa SM Megamall Cinema 2 na idinirek ni Crisanto Aquino mula sa Regal Entertainment nina Roselle Monteverde at Keith Monteverde.
Bago pa maganap ang premiere night, may mga nakapagsabi na sa amin na napakaganda ng pagkakagawa ng launching movie ng tambalang FranSeth na lalaban nga sa 50th edition ng MMFF.
In fairness, totoong-totoo naman pala ang chika na siguradong hindi magpapahuli ang “My Future You” sa siyam pa ng entry this year dahil maayos, malinis, hindi boring at exciting ang kabuuan ng pelikula.
Iikot ang kuwento sa buhay kina Karen (Francine) at Lex (Seth) na nagkilala sa pamamagitan ng isang dating app. Pero madidiskubre nila na magkaiba pala sila ng timeline – si Karen ay nasa present time habang si Lex ay mula sa taong 2009.
Ito’y matapos silang mag-wish nang sabay nang makakita ng “mysterious comet” sa kalawakan. Dito na magsisimula ang mga nakakalokang twists and turns ng kanilang kuwento.
Baka Bet Mo: Francine, Seth grabe ang pinagdaanan bago nakapag-holding hands
Siyempre, bawal ang spoiler kaya hindi na namin ikukuwento ang mga plot twists ng pelikula, lalo na nang magtangka ang karakter ni Francine na baguhin ang naging takbo ng buhay ng kanyang pamilya.
Bukod sa hatid na kakaibang kilig ng FranSeth loveteam, paiiyakin at patatawanin din kayo ng “My Future You” na pinapalakpakan at hinihiyawan ng audience ang bawat pasabog at paandar na eksena during the premiere night.
Napakalaki na ng improvement sa akting nina Seth at Francine. Hindi na masasabi ng mga bashers na puchu-puchu lang ang ipinakita nilang performance sa pelikula dahil napakagaling nilang pareho bilang sina Lex at Karen.
Sabi nga ng isang nakausap naming showbiz insider after ng premiere night habang pinanonood niya raw ang movie ay naalala niya noong nagsisimula pa lang sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
“Napakasarap nilang panoorin. Refreshing!
Masasabi naming may karapatan ang launching film nina Seth at Francine na makapasok sa Magic 10 ng MMFF 2024 at sinisiguro naming hindi masasayang ang ibabayad n’yo sa sinehan kapag pinanood n’yo ito.
Kasama rin sa pelikula sina Christian Vasquez, Almira Muhlach, Vance Larena na markado rin ang mga eksena sa kabuuan ng movie.
Samantala, bago magsimula ang premiere night, inamin ng FranSeth na kinakabahan sila sa magiging reaksyon ng audience pero sey ng aktor, “Buo ang loob namin at sobrang saya namin.”
“And of course, official entry for the MMFF. Hindi ko siya ma-describe, halo-halo ang feelings. Pero grateful kami at excited kami ngayong gabi,” sey naman ni Francine.
Dumalo rin premiere night ng “My Future You” para suportahan ang FranSeth sina Star Magic head Lauren Dyogi, director Mae Cruz-Alviar, Jameson Blake, KD Estrada at Alexa Ilacad at ang producer ng pelikula na sina Roselle Monteverde at Keith Monteverde.
Showing na simula sa December 25 ang “My Future You” at pwedeng-pwede ito sa lahat ng miyembro ng pamilya kay sure na sure kami na hahakot talaga ito nang bonggang-bongga sa takilya.