PARA kay Niño Muhlach ayaw na sana niyang lumaki at pag-usapan pa ng publiko ang masaklap na nangyari sa kanyang anak na si Sandro Muhlach.
Hiniling pa nga ng aktor at negosyante noong nalaman niya ang ginawang panghahalay umano sa anak na sana’y sa kanya na lang nangyari ang insidente.
Muling nagbahagi ang dating Child Wonder sa “Fast Talk with Boy Abunda” ng kanyang saloobin kung paano niya hinaharap ang kontrobersiyang kinasasangkutan ng panganay niyang anak.
“Kasi hindi ko alam…alam mo ba ‘yung feeling ng may anak? Tapos nakikita mo na nagkukuwento sa ‘yo kung ano ‘yung nangyari sa kaniya, na hindi niya mahawakan ‘yung telepono niya, nanginginig.
“Lagi niyang nabibitawan dahil nanginginig siya habang nagkukuwento tapos umiiyak siya?” ang emosyonal na pahayag ni Niño.
Baka Bet Mo: Cristy Fermin na-shock sa rebelasyon ni Sandro kung paano siya hinalay
“Napakasakit para sa tatay,” aniya pa.
Kasunod nito, nabanggit nga ng aktor na ayaw na sana niyang lumaki at mapag-usapan ang ginawang panghahalay kay Sandro dahil gusto niya itong protektahan.
“I didn’t want it to turn out like that. Hindi ko ginusto na maging ganu’n,” sey ni Niño.
Sabi pa ng aktor, hindi rin niya ginusto na madamay pa ang GMA Network, kung saan nagtatrabaho bilang independent contractors ang mga sinampahan ni Sandro ng kaso na sina Jojo Nones at Richard Cruz.
“Kaya hangga’t maaari nga, gusto ko nang tahimik lang. Eh, kaso pumutok,” saad ni Niño.
Grabe rin daw ang naging epekto sa kanya, kay Sandro at sa kanilang pamilya ng mga masasakit at masasamang sinasabi ng mga bashers sa social media.
“Kasi ang dami talagang, hindi ko alam kung basher ba o, baka kamag-anak. Kesyo sinasabi mahina raw ‘yung kaso.
“That’s why ako, tumahimik na lang ako, hindi na ako nagsalita after that.
“Hinintay ko na lang lumabas ang desisyon ng DOJ dahil tama naman noong lumabas ang desisyon ng DOJ, talagang matibay nga ‘yung kaso and sila na mismo ang nagsabi,” pahayag ng aktor.
Dagdag ni Niño, sana raw ay sa kanya na lamang nangyari ang mapait na sinapit ng anak, “Si Sandro kasi is very naive. Kumbaga kapag nagtiwala siya, buong-buo.
“Kaya nga sabi ko, sana sa akin na lang nangyari. Sana wala pa silang reklamo,” aniya pa.
Nagsampa si Sandro ng reklamong rape through sexual assault at acts of lasciviousness laban kina Cruz at Nones sa Department of Justice noong August.
Kasunod nito, kinasuhan ng DOJ sina Nones at Cruz matapos mapag-aralan ang mga ebidensiyang hawak nila at mapatunayang may bigat ang mga ito para mapanagot ang mga suspek sa krimen.
Aapela naman ang kampo nina Nones at Cruz sa inilabas na resolusyon ng DOJ.