LUBOS na ipinagmamalaki ni Sofronio Vasquez ang pagiging contestant noon sa “Tawag ng Tangahalan,” ang local singing competition sa “It’s Showtime.”
Sinabi ‘yan mismo ng first-ever Asian grand champion ng “The Voice” nang makachikahan nina Ogie Alcasid, Kim Chiu, Vice Ganda, at ilan pang mainstay hosts ng noontime show kamakailan lang via video call.
“Napaka-emotional po ng naging panalo ko. At actually po, nanginginig ako habang shine-share ko ‘to sa inyo kasi parang pangarap ko lang po ito dati,” bungad ni Sofronio nang tanungin kung ano ang kanyang pakiramdam sa naging milestone niya.
Sambit pa niya, “Proud ako na nagsimula ako sa ‘Tawag ng Tanghalan’ at ang ‘It’s Showtime,’ ang unang naniwala sa akin.”
Baka Bet Mo: Showtime binati si Sofronio Vasquez sa The Voice: Pangmalakasan ang Pinoy
Kung matatandaan, taong 2016 nang unang sumali siya sa “Tawag ng Tanghalan” ngunit hindi na siya nakapasok sa finals.
Nag-compete ulit siya noong 2017 at umabot lamang sa semifinals.
Taong 2019 nang bumalik si Sofronio sa nasabing show upang sumali naman sa “TNT All-Star Grand Resbak,” pero nagtapos siya riyan bilang grand finalist.
Matapos gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Filipino at Asian na nakapag-uwi ng titulo para sa 26th season ng naturang international singing competition, shinare ng singer sa social media ang isang edited video na ipinapakita ang naging motivational message para sa kanya ng dating head judge ng “Tawag ng Tanghalan” na si Rey Valera.
“Kung hindi ka man ngitian ng Lady Luck ngayon, I’m sure dahil ‘yon sa alam niya na ikaw ang gagawa ng sarili mong swerte at hindi mo siya kailangan,” sey niya sa bahagi ng video.
Aniya pa, “Because ‘yung ganyang klaseng tao, you will always find your way.”
Anyway, may advice si Sofronio para sa lahat ng magagaling na singer na hindi pa kinikilala until now.
“Siguro ang pinakamagandang advice na ibibigay ko, kahit ilang beses ka na-reject, hindi talaga siya nagpapatunay na wala ka nang chance,” sey niya.
Kwento pa niya, “Sino ba naman kasi ang mag-iisip na ako Bisaya na galing sa Mindanao trying to just be someone in music and lahat ng auditions sinubukan ko, pero 10 years after tsaka pa lang naibigay sakin.”
Wika niya, “So hindi mo lang talaga titigilan.”
Kasunod niyan ay lubos siyang nagpasalamat sa lahat ng sumuporta sa kanyang journey sa “The Voice” US.
“Sa lahat po ng Pilipino, lahat po ng ating madlang pipol, sa lahat po ng mga Filipino-Americans maraming, maraming salamat po dahil pinatunayan po natin na kahit dito sa America po ay hindi pwedeng talunin ‘yung lakas, sipag, at pananampalataya ng isang Pilipino dahil kahit saan namamayagpag po,” aniya.
Nagwagi si Sofronio ng $100,000 o P5.8 million cash prize, pati record deal with the Universal Music Group kung saan nakakontrata ang mga international artists tulad nina Taylor Swift, Alicia Keys, Harry Styles, Adele, at marami pang iba.