HINDI na itutuloy ng aktor na si Mon Confiado ang kasong isinampa niya laban sa isang content creator na napagkalat ng mga gawa-gawang kuwento laban sa kanya.
Base sa inilabas na ulat ng PEP.ph nitong Miyerkules, nakapanayam nila ang aktor na mismong nagkumpirma ng pag-uurong ng kaso.
Kuwento ni Mon, maraming beses ring humingi ng tawad ang content creator na si “Ileiad” o Jeff Leanneroie Bonilla Jacinto sa totoong buhay, maging ang ina nito.
Lagi raw itong nagme-message sa kanya at sinasabing mahirap lamang sila at walang kakayahang kumuha ng abogado.
Baka Bet Mo: Mon Confiado tuloy ang demanda laban sa vlogger kahit nagmakaawa na
“Dahil busy naman ako at dahil siya ay humingi na rin ng paumanhin; at yung nanay napakaraming messages na humihingi sa akin ng tawad, humihingi ng sorry. Mahirap lang daw sila, wala silang pambayad ng abogado,” lahad ni Mon.
Para sa mga hindi aware, August 2024 nang magsampa ng cyberlibel case ang aktor laban sa naturang content creator.
Ito ay nag-ugat sa isang “joke” kung saan inakusahan at ipinalabas ng content creator na magnanakaw umano si Mon.
Sey ng aktor, hindi magandang biro ang ginawa nito para sa kanyang content kaya naman sinampahan niya ito ng kaso para bigyang leksyon ang lalaki.
Gusto rin daw ni Mon na magbigay ng babala sa madlang pipol na hindi dapat binabastos ang pangalan ng isang tao o gamitin ito sa hindi magandang dahilan.
“Saka di naman ito malaking kaso. Kumbaga, ang bottom line lang naman ay makapagbigay ng awareness na hindi naman tayo dapat ginagamit,” sey pa niya.
Hindi pa rin daw namo-monitor ni Mon kung umakyat na sa tanggapan ng National Bureau of Investigatin ang naturang kaso.
“Hindi ko na na-monitor ito, sa tingin ko, hindi pa. Ano ‘yan, e, padadalhan siya ng subpoena, iimbitahin ng NBI, kailangan niyang magpaliwanag para pagbatiin kami,” saad ni Mon.
Dagdag pa niya, “Sa akin, baka sa bandang huli ako pa ang mapasama kapag ito ay tinuloy ko at pinatulan pa. The fact na nanay ang humihingi ng tawad, siya naman din. Yung sa akin pinadaan na nga sa media, isang malaking bagay na yun. Lesson na rin sa kanya yun.”