Vilma nag-apologize kay Judy Ann: Kung hindi talaga ukol, hindi bubukol!

Vilma nag-apologize kay Judy Ann: Kung hindi talaga ukol, hindi bubukol!

Vilma Santos, Judy Ann Santos at Lorna Tolentino

NANGHIHINAYANG si Judy Ann Santos na hindi natuloy ang pagsasama sana nila ng Star For All Seasons na si Vilma Santos sa suspense-horror film na “Espantaho.”

Si Ate Vi sana ang makakasama ni Juday sa naturang pelikula na isa sa 10 official entry sa Metro Manila Film Festival 2024, under Quantum Films ni Atty. Joji Alonso, Cineko Productions at Purple Bunny Productions na pag-aari ni Judy Ann.

Ngunit nagkaroon nga ng problema along the way kaya pinalitan si Ate Vi ng award-winning ding aktres na si Lorna Tolentino. Hanggang sa mapabalitang si Vilma na ang bibida sa “Uninvited” na pumasok din bilang official entry sa MMFF 2024.

Kaya naman ang magkasama sana sa isang pelikula sa MMFF this year ay magiging magkalaban na ngayon, lalo na sa pagka-best actress sa Gabi ng Parangal.

Baka Bet Mo: Judy Ann, Lorna, Janice, Mon sanib-pwersa sa bagong horror film na ‘Espantaho’

Ayon kay Juday, sayang na sayang raw talaga ang chance na magkasama sila ni Vilma sa movie sa unang pagkakataon. Nakatrabaho na niya ang halos lahat ng iconic actress sa bansa mula kay Nora Aunor (Babae, 1997), Sharon Cuneta (Magkapatid, 2002), Maricel Soriano (I Will Survive, 2004; Nasaan Ang Puso, 1997; Kung Maibabalik Ko Lang, 1989; at Sa Akin Pa Rin Ang Bukas, 1988.

“Well, siyempre, at some point, everybody wants to work with Vilma Santos, like, everybody would want to work with Ms. Nora Aunor.

“Kasi they’re the prime stars of this industry. Pero, you know, naniniwala kasi ako na kung hindi talaga nauukol, hindi talaga na bubukol. So, I get it. It’s totally fine,” pahayag ni Juday sa grand mediacon ng “Espantaho” kahapon, December 9.

Patuloy pa niya, “Probably, naniniwala din naman ako sa sinabi Ate Vi na there’d be another project that’s really meant for us.

“And I’m holding on to that. Kumbaga, naniniwala ako na may isa, mas magandang- magandang proyekto na talagang meant para sa amin,” dagdag pa ng wifey ni Ryan Agoncillo.

In fairness, talagang tumawag pa raw si Ate Vi kay Juday para magpasintabi at humingi ng paumanhin. Dahil dito mas lalo pa raw tumaas ang respeto niya sa movie icon.

“Magkausap kami. She didn’t have to, but nag-apologize pa siya when she congratulated us and Miss LT, Nanay LT, for the movie.

“Parang, ‘Grabe naman ‘tong artista na ‘to, si Vilma Santos na ‘to.’ And nag-explain pa siya. Hindi naman kailangan, wala namang kailangan.

“Nasa isang industriya lang tayo. And it happens. Hindi naman bago yung ganito, di ba? Na wala naman din kami expectation pareho na magiging magkatrabaho kami.

“Pero siyempre, nandu’n yung umaasa ka na at some point matutuloy, ganyan. Pero, then again, ipinagpasa-Diyos na lang namin kung ano yung nararapat, yun yung mangyayari,” paliwanag pa ni Judy Ann.

Inamin din niya na nakakaramdam din siya ng pressure dahil ang lalaki at ang titindi ng lahat ng entry sa 50th edition ng MMFF.

“Nae-excite ako, pero siyempre, more than yung ano, e, pressure, mas yung excitement kasi ang sarap gawin nitong pelikulang to, ni walang halong biro.

“Yes, it is tiring, napaka-emotional niyang pelikula. But at the end of the day, kahit pagod ka, you know, you will always go home na happy and satisfied sa trabahong ibinigay namin kasi pinalalaya namin ang isa’t isa sa bawat eksena. And excited akong mapanood talaga siya,” aniya pa.

Kasama rin sa cast ng “Espantaho” sina Janice de Belen, Chanda Romero, Eugene Domingo, JC Santos, Tommy Abuel, Mon Confiado, Nico Antonio, Kian Co, at marami pang iba.

Ito’y mula sa direksyon ng isa ring matatawag na “Master of Horror” na si Chito Roño, at mula sa panulat ni Chris Martinez. Si Chito Roño rin ang nagdirek ng blockbuster horror film na “Feng Shui” na pinagbidahan ni Kris Aquino.

Read more...