NAGHATID ng libreng serbisyong medikal at diagnostic testing sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong ang grupong “Kababaihan,” isang organisasyong nakatuon sa pagsusulong ng karapatan ng kababaihan at inklusibong pamahalaan.
Ang nasabing outreach program ay isinagawa nitong December 6 kung saan mahigit 300 na PDLs, karamihan mga nakatatanda at may iniindang karamdaman ang nakinabang.
Ang nasabing programa ay bahagi ng Katarungan Caravan ng Department of Justice Action Center (DOJAC) sa ilalim ng pangangasiwa ni DOJ Undersecretary Margarita Gutierrez.
Kasabay ng pagdiriwang ng kapaskuhan at ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW), muling ipinakita ng Kababaihan ang dedikasyon nito sa pangangalaga sa karapatan at kalusugan ng kababaihan.
Baka Bet Mo: #SerbisyoBandera: Recycled parol ng mga PDL sa San Juan simbolo ng pag-asa
Bukod sa medical at diagnostic testing, pinangunahan nina Atty. Tina de Guzman at Atty. Fofo Fernandez ng Pinay Girl Boss ang isang talakayan ukol sa women empowerment kung saan binibigyang-diin ang mahalagang papel ng kababaihan sa isang mas makatarungan at inklusibong lipunan.
Bukod sa mga ito, nagbigay din ng legal na tulong ang DOJAC sa pakikipagtulungan ng Integrated Bar of the Philippines – Rizal-San Juan-Mandaluyong (IBP-RSM) Chapter, sa pamumuno ni Atty. Jam Ibanez, at Legal Aid Society of the Philippines na pinamumunuan ni Atty. Joseph Migrino.
Tumulong din ang mga volunteer paralegal mula sa Philippine Law School (PLS) upang matiyak na mabibigyan ng sapat na suporta ang mga PDL.
Nagpaabot naman ng mensahe si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla para sa mga babaeng PDL.
Aniya, “Sa ating mga kapwa Pilipino na patuloy na nagsusumikap magbago, tandaan ninyo na ang gobyerno ay hindi tumitigil sa pangangalaga at pagprotekta sa inyong mga karapatan. Tanggapin ninyo ang simpleng regalong ito bilang pagpapahalaga sa inyong pagtitiis at pagsisikap. Nawa’y magkaroon kayo ng masaya at makabuluhang Pasko.”
Ang aktibidad na ito ay nagsisilbing patunay ng matibay na pagtutulungan sa pagitan ng gobyerno at mga pribadong grupo upang agad na matugunan ang pangangailangan ng mga babaeng PDL at mapabuti ang kanilang kalagayan sa loob ng piitan.