NAIUWI na sa Pilipinas ang labi ng yumaong lead vocalist ng Aegis na si Mercy Sunot na pumanaw noong November 18 sa Amerika, ilang araw matapos siyang magdiwang ng 48th birthday.
Matagal ding nakipaglaban si Mercy sa lung at breast cancer at sumailalim sa iba’t ibang medical procedure ngunit hindi na niya nakayanan ng kanyang katawan ang mga kumplikasyon nito.
Makalipas ang ilang linggo mula nang siya ay bawian ng buhay sa US ay naiuwi na nga ang kanyang labi sa bansa at nakatakdang ilibing sa susunod na linggo.
Baka Bet Mo: Mercy Sunot malungkot na nag-birthday bago pumanaw: Mag-isa lang ako…
Sa pamamagitan ng official Facebook page ng Aegis, in-announce ang magaganap na public viewing sa labi ni Mercy upang mabigyan ng pagkakataon ang mga nagmamahal sa kanya na makita siya sa huling sandali.
Narito ang nakasaad sa FB page ng Aegis tungkol sa detalye ng burol.
“ANNOUNCEMENT:
“Here are the details for the public viewing of Mercy Sunot’s wake:
“DECEMBER 10, 2024
“9:00AM – 9:00PM
“ADDRESS:
“CARMONA’S HAVEN OF PEACE
“196 Altarez Rd, Carmona, Cavite
“HOLY MASS will be offered at 5:00PM.”
Nabatid din na mahigpit umanong ipinagbabawal ang pagkuha ng anumang photo o video footage sa loob ng chapel kung saan nakalagak ang labi ng singer.
Ililibing si Mercy sa tabi ng puntod ng kanyang ama sa Carmona’s Haven of Peace sa Carmona, Cavite.
Bago iuwi ang kanyang labi ay binigyan muna si Mercy ng tribute at pagkilala sa isang “celebration of life” na ginanap sa Colma, California.
Ito’y dinaluhan ng kanyang mga kapamilya, kaibigan at mga supporters na sinimulan sa pamamagitan ng isang memorial Mass sa pangunguna ni Fr. Delfin Tumaca ng St. Bernadette Catholic Church in Stockton, California.
Matatandaang nalaman lamang na kumalat na ang cancer sa katawan ni Mercy nang sumailalim siya sa series of health test sa Amerika.
Talagang inilaban ng yumaong OPM artist ang kanyang buhay mula sa lung at breast cancer, ayon mismo sa mga taong naging malapit sa kanya simula noong manirahan at magpagamot siya sa US.
Maraming fans ang tumulong at gumabay kay Mercy simula pa noong dumating siya sa Amerika para magpagamot kaya naman napakasakit para sa kanila ang pagkawala ng singer.
Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho”, ibinahagi ng mga taong nakasama ni Mercy sa kanyang mga huling sandali sa mundo ang naging laban nito sa kanyang mga karamdaman.
Ayon sa mga kaibigan ni Mercy, hindi talaga nila akalain na ganu’n kabilis ang naging takbo ng pangyayari dahil positibo naman daw ang nagiging resulta ng mga medical treatment sa biriterang singer.
Bago pa nga raw pumanaw si Mercy at nagawa pa nitong kumanta ng signature song ng Aegis na “Halik” sa isang event sa California, USA kaya naman lahat sila ay na-shock nang mabalitaang wala na ang kanilang kaibigan.