MATAGUMPAY na isinagawa ang “Engkuwentro,” isang pagtitipon ng mga alagad ng sining at makata na kalahok sa Kislap-Diwa 2024 noong Disyembre 3 sa Education Hall ng National Museum of Natural History.
Ang pagsasama-sama ng mga visual artist, makata, at mga tagapagtaguyod ng kultura ay inorganisa ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa pakikipagtulungan sa National Museum of the Philippines, Society For Strategic Education Studies (S4SES), at Tanggapan ni Senador Loren Legarda upang magkaroon ng makabuluhan palitan ng ideya at inspirasyon.
Ang Kislap-Diwa ay bunga ng malikhaing pag-uusap sa pagitan nina Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario at Senador Loren Legarda na parehong tagapagsulong at tagapangalaga ng kulturang Filipino.
Ang unang edisyon ng Kislap-Diwa na ginanap noong Agosto 2023 ay nagtatampok ng pampublikong eksibit ng 12 artist at 12 makata na nagbuklod upang magbigay ng artistikong interpretasyon sa mga pre-kolonyal na artifacts ng National Museum of Anthropology.
Binigyang-diin ni Legarda ang halaga ng proyektong ito sa pagpapalalim ng pagpapahalaga sa mayamang kultura ng bansa.
Baka Bet Mo: Trabaho, kabuhayan sa mga barangay titiyakin ni Loren Legarda
Dahil dito, tiniyak ng Dangal ng Haraya Tagapagtaguyod ng Sining at Kultura ang pondo para sa Kislap-Diwa 2024 sa ilalim ng NCCA.
“Sa mabilis na agos ng modernisasyon, hindi natin hahayaang unti-unting mabalot ng alikabok ang ating kultura, sining, at tradisyon—mga pamana ng ating lahi na sumasalamin sa ating pagkakakilanlan. Kaya’t sa abot po ng ating makakaya ay patuloy nating isinusulong ang mga proyektong tulad nito na tila liwanag sa dilim, isang pagbibigay pugay sa mga kwento, obra, at tradisyong nagbibigkis sa ating mga puso at muling bumubuhay sa ating adhikain bilang isang bayan,” saad ni Legarda.
Binanggit din ng apat na terminong Senador ang kahalagahan ng pagpapasa ng pamanang kultura at kaalaman sa susunod na mga henerasyon.
Binigyang-diin niya na ang pagpapanatili sa mga tradisyong ito ay mahalaga upang lalong mapalalim ang pambansang pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.
“Higit pa sa sining, ang Kislap-Diwa ay sumasalamin sa ating determinasyon na itaguyod at ipamana ang ating kultura at kasaysayan sa susunod na henerasyon. Ito ay sagisag ng nag-aalab nating adhikaing tumindig sa diwa ng pagka-Pilipino at pagkamakabansa—isang liwanag na patuloy na sisinag at magsisilbing tanglaw sa kinabukasan ng ating bayan,” dagdag ni Legarda.
Ang Kislap-Diwa 2024 Exhibit na nakatakdang buksan sa Pebrero 2025 ay maglalahad ng mga gawang sining na hango sa tradisyonal na kwento tulad ng epiko ng Manobo na Agyu, ang sining ng paghahabi ng piña sa Aklan, ang mayamang tradisyong musikal tulad ng Kulintangan ng Maranao, at marami pang iba.