ROACH: BABAGSAK SI RIOS SA ROUND 6

HANGGANG anim na rounds lamang ang itatagal sa ring ni Brandon “Bam Bam” Rios. Ito ang prediksyon ng batikang trainer ni Manny “Pacman” Pacquiao na si Freddie Roach.

Nakatakdang magsa-gupa para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) international welterweight crown sina Pacquiao at Rios sa Nobyembre 24 sa Cotai Arena sa The Venetian Hotel, Macau, China.

“I think Manny is going to outbox him and knock him out inside six rounds,” wika ni Roach sa isang media conference call mula sa training camp ni Pacquiao sa General Santos City noong Miyerkules.

Mas matangkad si Rios kaysa kay Pacquiao pero napag-aralan na aniya nila ang mga galaw ni Rios kaya kampante si Roach na mananaig ang kanyang alaga.

“We are 90% ready. We have a great game plan and Manny knows how to fight this fighter,” garantiya ni Roach.

Pakay ni Pacquiao na makapagtala ng kumbinsidong panalo kontra Rios para makabawi sa magkasunod na kabiguang nalasap noong isang taon laban kina Timothy Bradley at Juan Manuel Marquez.

Alam mismo ni Pacquiao ang bagay na ito kaya’t napapanatili ang focus sa laban dahil minsan ay pumapasok ang pagnanais na tulungan ang mga kababayang nasalanta ng super typhoon Yolanda.

“It’s a big distraction because it killed all of those people. Manny is concerned about it, yes, very much, but I think we have him pretty much on track on this fight. He knows it’s a big fight and he knows it’s a must-win situation,” dagdag ni Roach.

Ayon kay Roach, ang timbang ng Kongresista ng Sarangani Province ngayon ay mababa pa sa 147-pound weight limit at isasabak pa niya sa sparring ang 5-foot-6 na si Pacquiao hanggang Sabado.

Sa Lunes ng hapon  lilipad si Pacquiao kasama ang kanyang training staff mula GenSan.

Ang 5-foot-8 na si Rios ay nasa Macau na dahil gusto niyang masanay sa klima at oras dito.

Siya ay galing din sa pagkatalo laban kay Mike Alvarado nitong Marso 30 sa Las Vegas, Nevada, USA. Ito ang tanging kabiguan ni Rios sa 33 fights.

… pero kapag natalo si Pacquiao, baka mag-goodbye na sa boxing

SINABI naman ni Freddie Roach na papayuhan niya si Manny Pacquiao na magretiro na sakaling matalo siya kay Brandon Rios o kung hindi maganda ang kanyang ipapakita sa naturang laban.

“If it does not go well, we will seriously talk about his retirement,” sabi ni Roach.Galing sa magkasunod na talo si Pacquiao at sa huling laban niya ay pinatulog siya ni Juan Manuel Marquez sa round six noong Disyembre.

Isang malaking lamat  na sa estado ni Pacquiao sa mundo ng boxing kung matatalo pa siya sa ikatlong sunod na laban. “It’s really hard to say until we see the fight, but I will be the first one to tell him to retire, and we have an agreement that as soon as I tell him that, he will retire,” sabi niya.

Gayunman, nagbigay ng babala si Roach sa kalaban na nasa mahusay na kundisyon ngayon si Pacquiao at handang-handa nang labanan si Rios.

“I don’t see him slipping in the ring at all,” aniya. Sinabi ni Roach na nais sana ni Pacquiao na tumungo sa mga nasalantang lugar sa Visayas para personal na tumulong sa mga biktima pero hindi niya ito pinayagang lisanin ang training camp sa GenSan.

Read more...