PHILADELPHIA — Nagtala si Tony Wroten ng kanyang kauna-unahang career triple-double, si James Anderson ay umiskor ng career-high 36 puntos habang gumawa si Spencer Hawes ng go-ahead basket may 34 segundo ang natitira sa overtime para tulungan ang Philadelphia 76ers na talunin ang Houston Rockets, 123-117, sa kanilang NBA game kahapon.
Kumamada si Wroten ng career high na 18 puntos, 10 rebounds at 11 assists sa kanyang unang pagsalang bilang starter kapalit ng injured rookie playmaker na si Michael Carter-Williams na hindi nakapaglaro bunga ng bruised left arch.
Si Jeremy Lin ay umiskor ng 34 puntos kabilang ang career-best na siyam na 3-pointers. Si Dwight Howard ay nagdagdag ng 23 puntos at 15 rebounds habang si Chandler Parsons ay nag-ambag ng 22 puntos para sa Houston.
Pinalitan ni Lin sa starting lineup ng Rockets si James Harden, na hindi nakapaglaro bunga ng bruised left foot.
Spurs 92, Wizards 79
Sa San Antonio, kumana si Tony Parker ng 16 puntos para pangunahan ang anim na Spurs na may double figures sa puntos para pamunuan ang San Antonio sa panalo kontra Washington.
Si Boris Diaw ay may 15 puntos, si Kawhi Leonard ay nagdagdag ng 13 puntos, sina Manu Ginobili at Marco Belinelli ay may tig-10 puntos para sa San Antonio. Nagtala naman si Tiago Splitter ng 12 puntos at siyam na rebounds.
Umiskor si Martell Webster ng 21 puntos, si Bradley Beal ay nag-ambag ng 19 puntos habang si John Wall ay nagtala ng 14 puntos at walong assists para sa Washington, na natalo ng tatlong sunod na laro.
Hawak ng Spurs ang double digit na kalamangan sa halos kabuuan ng laro para manatiling walang talo sa kanilang homecourt.