INISA-ISA ng award-winning actor na si John Arcilla kung sinu-sino pa ang mga artistang gusto niyang makasama sa kanyang future projects.
Natanong ang nagbabalik-Kapusong aktor sa panayam ng “Fast Talk with Boy Abunda” tungkol sa kanyang makulay at matagumpay na showbiz career na tumatagal na ng ilang dekada.
Isa nga sa mga napag-usapan nila ni Tito Boy ay ang mga Kapuso stars na hinahangaan niya sa larangan ng pag-arte.
Question ng King of Talk kay John, magbigay siya ng tatlong babae at tatlong lalaking artistang hinahangaan niya nais makasama sa mga susunod niyang projects.
“Actually, manghihinayang akong sabihin na tatlo lang, kasi ang dami-dami. Ang daming ang gagaling ngayon, Tito Boy,” simulang sagot ni John.
Unang binanggit ng premyadong aktor ang La Primera Contravida na si Glaiza de Castro na kering-kering magbida at magkontrabida sa teleserye at pelikula.
“Sa artistang lalaki, well, alam mo kasi, nakaeksena ko rin, bata pa lang siya naapektuhan na ako ni Dennis Trillo,” dugtong ni John na mapapanood na very soon sa season 2 ng Kapuso primetime series na “Lolong.”
“Noong gumawa siya ng pelikula kasama niya si Judy Ann Santos, hindi naman na siya bago. Napansin ko talaga, very subdued at saka underacting pero powerful,” sabi pa ng The Volpi Cup Best Actor.
“So napansin ko siya noong umpisa pa lang. Tapos ngayon makikita mo kanya ganoon din,” dugtong pa niya.
Nabanggit din ni John ang ang pangalan ng “Lolong” lead star na si Ruru Madrid, “Well of course, si Ruru kasi he is very committed, sobrang committed doon sa kaniyang craft. That’s one of the reasons kaya gumagaling ng isang artista, commitment.”
Ilan pa sa mga hinahangaang artista ni John ay sina Janine Gutierrez, Andi Eigenmann, Andrea Brillantes at Kyle Echarri.
“Actually ang dami. Pero for the meantime, ‘yun muna ang pumasok sa akin,” hirit pa ng aktor.
Samantala, nabanggit naman ni John Arcilla sa “Fast Talk” segment na mas importante sa kanya ang talent kesa attitude. Mas hanga at bilib naman siya sa mg masisipag kesa sa magagaling.
Naniniwala rin siya na mas effective sa mundo ng showbiz ang karisma kesa sa looks at pareho niyang gustong maging bida at kontrabida.
Never din daw siyang naagawan ng role at natalakan ng kapwa artista. Hindi pa raw niya nagagawa ang mag-walkout sa shooting o taping.
Inamin naman ni John Arcilla na pangarap niya ang magkaroon ng Oscar award.