Mercy Sunot ayaw magpagamot sa Pinas: Mas gusto niya sa Amerika

Mercy Sunot ayaw magpagamot sa Pinas: Mas gusto niya sa Amerika

NALAMAN lamang na kumalat na ang cancer sa katawan ng Aegis lead vocalist na si Mercy Sunot nang sumailalim siya sa series of health test sa Amerika.

Last November 18 sumakabilang-buhay si Mercy, ilang araw matapos niyang ipagdiwang ang kanyang 48th birthday noong November 6.

Talagang inilaban ng yumaong OPM artist ang kanyang buhay mula sa lung at breast cancer, ayon mismo sa mga taong naging malapit sa kanya simula noong manirahan at magpagamot siya sa US.

Baka Bet Mo: Mercy Sunot malungkot na nag-birthday bago pumanaw: Mag-isa lang ako…

Maraming fans ang tumulong at gumabay kay Mercy simula pa noong dumating siya sa Amerika para magpagamot kaya naman napakasakit para sa kanila ang pagkawala ng singer.


Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho”, ibinahagi ng mga taong nakasama ni Mercy sa kanyang mga huling sandali sa mundo ang naging laban nito sa kanyang mga karamdaman.

Ayon sa mga kaibigan ni Mercy, hindi talaga nila akalain na ganu’n kabilis ang naging takbo ng pangyayari dahil positibo naman daw ang nagiging resulta ng mga medical treatment sa biriterang singer.

Bago pa nga raw pumanaw si Mercy at nagawa pa nitong kumanta ng signature song ng Aegis na “Halik” sa isang event sa California, USA kaya naman lahat sila ay na-shock nang mabalitaang wala na ang kanilang kaibigan.

Noong panahong hindi na masyadong aktibo sa pagpe-perform sa mga concert at live shows si Mercy ay pinagtuunan nito ang pag-aalaga sa kanyang mga anak.

Ngunit hindi naman talaga siya totally nawala sa eksena dahil nagla-live pa rin siya at kumakanta sa pamamagitan ng social media. At kasunod nga nito ay nalaman niyang may bukol siya sa kanyang dibdib.

Kinausap ni Mercy sa kanyang fan na naging kaibigan na rin niya na si Nemia at ibinalita nga ang tungkol sa kanyang health problem at ang kagustuhan na magpagamot sa US.

“Ayaw niyang magpagamot sa Pilipinas. Sabi niya, ‘Kung magpapagamot ako, gusto ko dito sa Amerika, Ate,'” ang sabi raw ni Mercy kay Nemia base sa panayam ng “KMJS.”

Dahil sa tulong ni Nemia at ng iba pang kaibigan ni Mercy tulad nina Irene at Donnie, agad na nabigyan ng visa at health insurance ang singer upang magpagamot nga sa America.


Matapos ang health test kay Mercy, nalaman ngang kalat na ang cancer sa iba pang bahagi ng kanyang katawan. Agad-agad daw na sumailalim sa radiation si Mercy para sa kanyang buto, bukod pa ang daily treatment para naman sa kanyang baga.

After five months daw ng gamutan, nakita naman ang positibong pagbabago sa kundisyon ni Mercy. Sa katunayan, nakapag-celebrate pa nga siya ng kanyang ika-48th birthday last November 6.

Bukod dito, nakapunta pa siya sa isang party kung saan game na game siyang nag-perform dahil sa request ng mga tao roon.

“Kaya mahal na mahal siya ng tao. Hindi siya tatanggi. Masigla siya, parang wala siyang iniindang sakit,” ang sabi naman ng kaibigan ni Mercy na si Donnie.

November 12 naman nang operahan si Mercy sa lungs at maganda naman daw ang naging resulta nito. Ngunit makaraan ang dalawang araw, sinabi ng doktor kay Nemia na biglang bumaba ang oxygen level ni Mercy.

Dito na nag-alala nang sobra si Mercy kaya naman pilit siyang pinakakalma ni Nemia at sinabihang, “Lumaban ka, okay ka lang.”

Kasunod nga nito ang pagpo-post ng singer ng Tiktok video kung saan ibinalita nga niya ang tungkol sa paglaban niya sa lung at breast cancer at ang pagkaka-confine niya sa ICU. Kasabay nito ang paghingi niya ng dasal para sa kanyang paggaling.

Kuwento pa ni Nemia, kinailangan ding na-intubate ni Mercy pero natakot ito na baka maapektuhan ang boses niya pero kalaunan ay pumayag din siya.

Bukod dito, nagkaproblema na rin ang kidney ng singer kaya sinabihan siyang isabay na ang pagda-dialysis.

Kuwento naman ni Irene, nakita na lang nilang pina-pump at nire-revive ng mga doktor si Mercy dahil bigla nang tumigil ang tibok ng kanyang puso hanggang sa ideklara na nga ang kanyang pagkamatay.

Paliwanag ng oncologist na si Dr. Jennifer Ann De Castro-Mercado sa nangyari kay Mercy, “Nahirapang huminga, nagkaroon din ng problem sa kanyang renal or kidneys. Mukhang napunta siya multi-organ failure.”

Samantala, hindi pa alam kung kailan maiuuwi sa Pilipinas ang labi ni Mercy dahil inaayos pa ang mga kaukulang dokumento.

“‘Yung pagpa-fly ng body niya, wala pa, kasi wala pa kami ‘yung death certificate at saka kailangan pang ayusin sa Philippine Consulate,” ani Nemia.

Mensahe naman ni Donnie, “Mercy, maraming maraming salamat sa pagmamahal, sa iyong magandang tinig, at sa iyong magandang musika na maiiwanan mo. Hindi ka makakalimutan ng buong mundo.”

Read more...