Coco Martin gagawa ng mga indie movie na ilalaban sa int’l filmfest

Coco Martin gagawa ng mga indie movie na ilalaban sa int'l filmfest

Coco Martin

ISA sa mga pangarap ngayon ng actor- director na si Coco Martin ang makagawa ng mga dekalidad na pelikula na nais niyang ibandera sa mga international film festival.

Nais balikan ng Teleserye King ang kanyang pinanggalingan, ang indie films kung saan talaga siya unang nakilala bilang magaling at talentadong artista.

Sabi ng Kapamilya superstar, gusto niyang makapag-produce at makapagdirek ng mga pelikula para ipagmalaki sa global stage.

“Siyempre nagsimula talaga ako sa indie films. Eh, ngayon nagpo-produce then nagdidirek na ako. Sabi sa akin sana gumawa ka ng pelikula na ikaw yung direktor tapos ilaban natin. Kagaya nu’ng ginagawa namin nu’ng araw,” pahayag ni Coco sa isang panayam.

Baka Bet Mo: Robi Domingo game bumalik sa akting, gustong sumabak sa sitcom: ‘Favorite ko yung mga Palibhasa Lalake at Okidokidok’

Pagpapatuloy niya, “Sabi ko, yan ang pangarap ko kasi pag nabigyan ko ng time, sarili ko, lumuwag-luwag lang ng kaunti, gagawa ako ng isang pelikula kahit hindi ako artista.

“Gusto ko bumalik sa indie films na this time ako naman ang director at indie films ang ginagawa ko at mangangarap na sana makapasok din sa mga international film festival,” lahad pa ni Coco.


Sabi pa niya sa bagong pinapangarap na mga proyekto, “Para bang mag-360 na. Dati nandito ako, actor lang ako nangangarap.

“Tapos nangangarap ako na mag-TNT sa bansang ‘to. Tapos ngayon nandito na ako, director na ako, producer na ako ng pelikula na ilalaban,” pagbabahagi pa ni Coco.

Gusto rin daw niyang makapagbigay ng mas maraming work, “Siyempre sa trabaho parang kahit paano may natutulungan kang kasamahan natin para makapagtrabaho, ang nakikita ko kasi talaga ngayon ang kulang sa atin ay opportunity, magkaroon ng trabaho.

“Ano yung ibang paraan na makakatulong ka sa ibang tao, so ano bang paraan para magkaroon pa ng trabaho?” aniya pa.

Read more...