ITINANGGI ng bandang Aegis ang mga kumakalat na balita tungkol sa yumaong miyembro nila na si Mercy Sunot.
Sa kanilang Facebook post ngayong araw, November 20, itinanggi nila ang chikang gumagamit raw ng drugs ang isa sa kanilang lead vocalists.
“Hindi po siya gumagamit ng anumang bisyo, at siya ay hindi naninigarilyo o umiinom,” saad ng Aegis.
Pagpapatuloy pa nito, “Wala rin pong anumang panayam na ibinigay si Juliet na naglalaman ng mga pahayag laban sa kanyang kapatid.”
Baka Bet Mo: Mercy Sunot kung bakit tumagal ang Aegis: ‘Walang iwanan’
Humihingi rin ng respeto ang mga ito para kay Mercy at sa pamilya nito na nagluluksa sa pagkamatay nito.
“Nais po naming humiling ng respeto, hindi lamang para kay Mercy, kundi pati na rin para sa kanyang pamilya. Isipin po sana natin ang bigat ng epekto ng ganitong mga maling balita,” sey pa ng Aegis.
Marami raw kasi ang naghahangad ng atensyon at “clicks” kaya naman nawawala na ang respeto nito kay Mercy.
“Sa paghahangad ng atensyon at ‘clicks,’ nawawala po ang paggalang sa dignidad ng mga yumao,” giit pa ng Aegis.
Hiling rin ng banda na sana ay maging paalala ito para sa lahat na mag-isip isip at maging maingat at responsable sa pagbabahagi ng mga impormasyon lalo na online.
“Maraming salamat po sa inyong pang-unawa,” ani Aegis.
Matatandaang nitong Lunes, November 18, tuluyan nang pumanaw si Mercy matapos ang matagal na panahong pakikipaglaban sa breast cancer at lung cancer.