Mercy Sunot kung bakit tumagal ang Aegis: ‘Walang iwanan’

Mercy Sunot kung bakit tumagal ang Aegis: ‘Walang iwanan’

PHOTO: Courtesy of Sean Jimenez

HALOS mag-iisang taon na pala mula nang huli naming nakita at nakasama ang iconic rock band na Aegis.

Na-cover kasi ng BANDERA ang ika-25th anniversary nila last year at ipinagdiriwang nila ito sa pamamagitan ng isang Christmas concert.

Hindi namin alam na ito na pala ang huli na magiging kumpleto sila dahil bigla ngang pumanaw si Mercy Sunot, ang isa sa bokalista ng banda.

Ang malungkot na balita ay kinumpirma mismo sa Facebook official page ng Aegis ngayong araw, November 18.

Fresh na fresh pa ang memory namin last year na kung saan ay nagkaroon pa nga sila ng press conference kasama ang ilang entertainment press na ginanap sa Solaire sa Parañaque.

Baka Bet Mo: Mercy Sunot ng Aegis sumailalim sa lung surgery: Pag-pray n’yo ko guys

Very energetic at funny ng grupo dahil puro tawanan lang kami habang nakikipagchikahan sa kanila.

Bukod diyan, nagbigay pa nga sila ng sample performance ng iconic nilang hit song na “Basang-Basa Sa Ulan.”

Habang tinitingnan namin ang huling coverage sa kanila, lalo na kay Mercy, bigla kaming naantig sa naging mensahe nila matapos tanungin kung ano ba ang kanilang sikreto upang tumagal sa music industry.

Ang unang sagot ni Mercy ay, “Walang iwanan.”

Kasunod niyan ay binigyang-diin nila ang pagkakaroon ng malaking respeto sa bawat isa.

At siyempre, malaking factor din daw ‘yung kanilang fans na patuloy pa rin silang sinusuportahan.

“Siguro nararamdaman namin na gusto pa kami ng tao,” sambit ng bass guitarist na si Rowena Adriano.

“Habang andyan sila, andito pa rin kami para sa kanila,” ani pa niya.

Tugon ng drummer na si Vilma Goloviogo, “Kailangan ng mahabang pasensya para magkaroon ka ng grupo.”

Kasabay nito ay nagbigay ng advice ang banda para sa mga aspiring music artists na nais ding magkaroon ng marka sa nasabing industriya.

Mensahe ni Mercy, “Huwag mawalan ng pag-asa. Pag may tiyaga, may nilaga.”

Dagdag naman ni Rowena, “Kapag gusto mo ‘yung ginagawa mo, love mo siya, huwag mo sukuan kasi pana-panahon ‘yan eh. Darating ‘yung tamang panahon para sa’yo. Basta’t kapag meron kang gusto, gawin mo at kailangan ay talagang gusto mo.”

Si Mercy ay pumanaw matapos makipaglaban sa lung cancer. Siya ay 48 years old.

Kagabi lamang ay humiling siya ng dasal sa netizens upang matapos na ang pinagdadaanang pagsubok at para sa kanyang agarang paggaling.

Sa ginawa niyang TikTok video, sinabi niyang naging matagumpay naman ang ginawang operasyon sa kanya kamakailan dahil sa breast at lung cancer.

Dinala raw siya sa intensive care unit (ICU) sa isang ospital matapos makaranas ng hirap sa paghinga kasunod ng pagtanggal sa namuong tubig sa kanyang baga.

Aniya, tinurukan siya ng steroids para maiwasan ang paglala ng inflammation sa kanyang baga.

Read more...