TODO dasal ngayon ang kilalang aktres na matindi ang pinagdaraanang problema sa pinansiyal na sana’y mabawi niya ang perang nakuha sa kanya.
Kaibigan ng aktres ang nagkuwento tungkol dito at naaawa siya rito dahil nga nagkakasakit na ang huli sa kakaisip kung paano mababawi ang perang pinaghirapan niya sa mahabang panahon.
Binanggit sa amin kung magkano ang perang nakuha sa aktres at nagulat kami dahil sobrang laki nito at buhay reyna na ito kung mababawi niya at hindi na siya magkukumahog magtrabaho para sa pambayad niya ng bills at sa araw-araw na gastusin.
“Nasa legal naman na ang lahat kaso matatagalan pa alam mo naman sa mga ganyang kaso, matagal kaya nga naawa ako kay ____ (aktres),” say ng aming source.
Baka Bet Mo: SB19 isa sa mga binigyan ng ‘Hot Trend Award’ sa Asia Artist Awards 2023
Ang kaibigan ng aktres ay nakaranas din ng ganitong senaryo pero hindi naman niya nabanggit kung nabawi niya dahil ayaw na rin niyang maalala pa ang taong nanloko sa kanya.
“Ipinagpasa-Diyos ko na lahat, hindi naman natutulog ang Diyos. Iisa ang pattern di ba?” say ng kaibigan ng aktres.
Teka, iisang tao ba ang nanloko sa magkaibigan kaya nabanggit niya na “iisa ang pattern”?
“Ha-hahahaha! Secret!” tumawang sagot sa amin.
Hmmmm, napaisip tuloy kami at naisip namin na posibleng magkaibang tao pero magkakilala. Ha-hahaha! Kaloka ‘to.
Anyway, sana talaga ay mabawi na ng aktres ang perang pinaghirapan niya sa matagal na panahon.
* * *
Labis na nagpapasalamat si MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio sa Senado sa ilalim ng liderato ni Senate President Francis “Chiz” Escudero matapos pumasa sa plenaryo ang P164-milyong badyet ng Ahensya sa 2025.
Pinasalamatan din ng Board si Sen. Jinggoy Estrada, ang Senate Pro Tempore, bilang sponsor ng budget. Wala pang dalawang minuto ang itinagal ng deliberasyon nang aprubahan ito noong Nobyembre 14 sa plenaryo dahil wala ni isang senador ang tumutol.
“Malaking tulong ang pondong ito sa mga plano namin na maisulong ang isang ‘Responsableng Panonood tungo sa Bagong Pilipinas’ ayon sa lakbay-tanaw ni Pangulong Marcos,” sabi ni Chair Sotto-Antonio
Dagdag pa, “Dahil din sa suporta ng ating kongreso, patuloy kaming magsisikap na mapataas ang kamalayan ng publiko sa tamang paggamit ng media.”
Idiniin din ni Sotto-Antonio ang tatlong haligi ng “Responsableng Panonood (RP): 1. Responsableng Panonood, 2. Responsableng Paggabay; at 3. Responsableng Paglikha.
Inilunsad ng administrasyong Marcos ang “Tara, Nood Tayo!” noong Nobyembre 12, isang informercial na layong itaas ang kamalayan sa industriya ng paglikha at ng pamilyang Pilipino sa tamang pagpili ng mga palabas na panonoorin.
Mula sa bagong budget ay ilalaan din ang pagbili ng mga makabagong kagamitan at pagpondo sa mga proyektong pagsasanay para sa mga empleyado ng ahensiya.