HALOS lahat ng cast members ng Metro Manila Film Festival 2024 official entry na “Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital” ay nakaranas ng “kababalaghan” sa shooting.
Bida sa kakaibang horror movie na ito sina Enrique Gil, Jane de Leon, Alexa Miro, Rob Gomez, MJ Lastimosa, ang tarot reader na si Raf Pineda, at ang content creator na si Ryan “Zarckaroo” Azurin.
Sa naganap na pocket presscon ng pelikula kamakailan ay nakachikahan namin at ng ilang piling miyembro ng entertainment media sina Enrique, Rob at Alexa at naibahagi nga nila ang naging experience nila habang nagsu-shooting sila sa Taiwan.
Baka Bet Mo: Enrique, Jane sa MMFF entry na Strange Frequencies: Ibang klaseng horror
Sa mga hindi pa nakakaalam, kinikilala bilang first ever meta found-footage horror film sa Pilipinas ang “Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital” which was inspired by the South Korean hit “Gonjiam: Haunted Asylum.”
Tungkol ito sa grupo ng mga amateur ghost hunters na susugod sa kilalang haunted Xinglin Hospital na isa nang abandonadong building sa West Central District ng Taiwan.
Sa kanilang pagtungo sa makasaysayang ospital, naibahagi nga ng cast ang mg kakaiba at nakakikilabot na naramdaman nila sa lugar.
Ayon kay Enrique, may isang eksena sa pelikula na totoong ikinagulat nila nang bonggang-bongga dahil biglang bumagsak nang kusa ang lamesa sa set.
Kuwento naman ni Alexa, “In one of our devices, may naririnig kaming mga voices na nagpapanggap na kami, so winawarningan kami ng mga spirit na mag-ingat kami or something.”
Pag-amin ni Rob, “Ako pinakatakot sa kanilang lahat. Kapag sinearch niyo, isa siya sa pinakanakakatakot. Noong una ‘di ako naniniwala, nangungulit pa ako but eventually, bandang dulo, tahimik na lang ako.
“Na-realize namin kailangan naming magpagpag every after shoot kasi iba talaga,” sey pa ng aktor
Paglalarawan pa ni Alexa sa kakaibang style at technique na ginawa nila sa shooting, “Lahat kami kinuha ni (Enrique), horror fans. Growing up I have always been passionate.
“Naisip namin what if tayo din nag-shoot. We all had GoPros, one facing us and one facing what’s in front of us. May handheld camera and flashlight. Walang camera crew. Kami lang pumasok, at one time we had 28 cameras in total,” sey ng aktres.
Dagdag ni Quen, “A lot of the movie is candid. The script is just a guide. Whatever happens, the way you say it, kayo na bahala, tayo na bahala. Most of the time, ito scene, may nangyari na ganito and we will just chime in with each other.”
Isa rin si Enrique sa producer ng “Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital” kasama ang premyadong direktor na si Erik Matti at si Dondon Monteverde ng Reality MM Studios.
Showing na ito sa December 25 bilang entry sa 50th MMFF mula sa direksyon ni Kerwin Go.