PATULOY na nagiging inspirasyon sa marami ang Kapamilya actor na si Gerald Anderson.
Matapos ang rescue operations sa nakaraang pananalasa ng bagyo, siya naman ngayon ay na-promote bilang “auxiliary captain” ng Philippine Coast Guard (PCG).
Sa Instagram Stories, makikita ang ilang moments sa oath-taking ceremony na naganap sa BRP Teresa Magbanua.
Ilan lamang sa dumalo sa espesyal na okasyon upang magpakita ng suporta sa aktor ay ang kanyang girlfriend na aktres na si Julia Barretto.
Proud pa nga itong ibinandera ni Julia sa social media at ang caption pa niya, “Congratulations, Captain Gerald. So proud.”
Baka Bet Mo: Gerald iginiit na hindi tatakbo sa eleksyon: ‘Nagagamit ko naman platform ko’
Magugunitang naging aktibo si Gerald sa pagtulong sa maraming kababayan bilang parte ng kanyang responsibilidad sa PCG.
Ilan lamang sa mga sinalihan niya bilang reservist ay ang rescue operations sa kasagsagan ng Typhoon Ondoy noong 2009, ang pagtulong niya sa Aetas sa Zambales, recovery operations sa mga pamilya sa Marawi, pagdo-donate ng medical supplies at tents noong COVID-19 pandemic.
At ang recent lamang ay noong Agosto na kung saan ay lumusong pa siya sa matinding baha upang tumulong sa pagsagip sa mga naging biktima ng bagyong Carina sa Quezon City.
Dahil sa ipinakita niyang kabayanihan kamakailan lang, siya ay binigyan ng “search and rescue medal.”
Samantala, si Gerald ay nakatakdang magbabalik telebisyon at bibida sa ABS-CBN series na “Nobody.”