INAMIN ng Kapuso actress-comedienne na si Chariz Solomon na minsan siyang inakusahan ng sexual harrassment ng katrabaho.
Sa naging guesting niya sa “Lutong Bahay” noong November 6, ay natanong siya kung sino ang artistang ayaw na niyang katrabaho.
“At gusto kong sampalin?” dugtong ni Chariz sa tanong sa kanya.
Dito ay nabanggit na niya ang “Bubble Gang” co-star na nagparatang sa kanya.
“Kahit hindi niyo i-bleep,” sey pa ni Chariz pero na-bleep pa rin ito.
Aniya, hindi na raw naman siya galit pero sobra daw ito noong mga panahong iyon.
“Mahabang istorya, pero buntis pa lang ako kay Apollo,” pagbabahagi ni Chariz.
Si Apollo ang panganay niyang anak.
Pagpapatuloy ni Chariz, “Kasi nga, first time kong nabuntis, di ba, [yung] anxiety dinala mo sa trabaho.”
Kuwento pa ng komedyana, nag-message raw ang lalaki sa kanya patungkol sa umano’y pangha-harass.
Sey ni Chariz, “Pareho kaming nasa Bubble noon, pero siya yung regular, ako semi-reg. Tapos nag-message siya sa akin. Nag-email siya na sa tingin ko, siya iyon, pero sinasabi niya girlfriend niya.
“Sinabi niya hina-harass ko daw siya… sexually. As in type ko daw siya, gano’n,” aniya pa.
Kaya naman nagulat si Chariz dahil sa totoo lang ay hindi naman niya type ang kasamahan sa Bubble Gang.
Hindi naman na niya ikinuwento kung ano ang naging basehan ng katrabaho para paratangan siya ng harassment.
Taong 2010 nang maging parte si Chariz mg longest-running gag show sa GMA-7.