Ken Chan muling hinainan ng warrant of arrest, bigong mahuli ng mga pulis

Ken Chan muling hinainan ng warrant of arrest, bigong mahuli ng mga pulis

SA pangalawang pagkakataon ay muling sinubukan ng pulisya na maghain ng warrant of arrest kay Ken Chan ngunit bigo ang mga ito na mahuli ang aktor.

Ngayong Biyernes, November 8, muling nagtungo ang mga pulis sa bahay ng aktor para i-serve ang warrant of arrest ngunit walang tao sa bahay nito.

Pormal na kasing kinasuhan si Ken ng kasong estafa ng Quezon City’s Prosecution Office dahil sa diumano’y maanomalyang P14-M investment deal na kinasasangkutan nito.

Sa naging panayam ng media sa legal counsels ng complainant na sina Atty. Joseph Noel Estrada at Atty. Maverick Romero ng Estrada at Aquino Law Office, kinumpirma nito na sangkot ang aktor at ang pito pa nitong co-investors.

Baka Bet Mo: Ken Chan sobrang payat na raw; may bago na namang warrant of arrest

“Trinay lang natin i-serve ang warrant. Actually, pangalawang beses na ngayon. Nagbabakasakali lang tayo. Di siya [Ken] nakita, e. Wala siya,” saad ng abogado.

Ang complainant na diumano’y naloko ng grupo ng aktor ay ayaw magpakilala ngunit inilarawan ito bilang isang male businessman na nasa edad “40s-50s.”

Nangako raw si Ken ng profitable investment sa restaurant at iba pang negosyo nang magkausap sila noong 2022.

Binigyan ang grupo ng aktor ng P14-M bilang investment ngunit kalaunan ay tila hindi na tumupad ang mga ito sa kanilang napagkasundaan.

“According to the complainant, hiningan [siya] ng investment ni Ken. Hindi naman sila authorized to solicit investment from the public. Using misrepresentation, fraudulent schemes, nakakuha sila ng pera sa complainant,” lahad ni Atty. Estrada.

Dagdag pa niya, ang aktor raw ay direktang nakausap ng complainant para sa kanilang deal.

Sa tanong naman kung ibinigay ba mismo ng complainant ang pera kay Ken ay sinagot ito ng abogado ng “Sa kanya napunta yung pera.”

“Ang involved na pera ay nasa PHP14M. I think base sa complaint, mga dalawang bigayan, in less than a year,” pagpapatuloy pa ng abogado.

2023 pa noong nagsampa ng reklamo ant naturang businessman laban sa grupo nila Ken ngunit nito lang ito umakyat sa husgado.

Sa ngayon ay wala pa silang ideya kung nasaan ang aktor at maging ang pito pa nitong kasamahan ay hindi pa nakikita.

Ngunit nang bisitahin namin ang Instagram page ni Ken ay nag-post pa ito kahapon sa kanyang IG stories at tila nasa ibang bansa ito.

May ibinahagi pa itong larawan niya na may caption na, “mindset is everything.”

Bukas ang BANDERA para sa pahayag at paglilinaw ni Ken Chan at ng iba pang taong sangkot sa isyu.

Read more...