PATAY ang mag-asawang senior citizen mula sa Isla Gigantes Sir, Carles, Iloilo matapos maparatangang mga mangkukulam.
Walang kaabog-abog na pinagbabaril ang dalawa kahit na maliwanag at tirik na tirik ang araw ng suspek dahil sa galit.
“Apat na putok po. Nakahiga na po sila nanay at tatay. ‘Di po ako makagalaw kasi na-shock po ako,” saad ng anak ng mag-asawang senior na si Rex.
Ayon sa ulat ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” ang tinututukoy na dahilan ng pagpaslang sa dalawa ay dahil mangkukulam ang babae na si Violeta.
Baka Bet Mo: Mga polisiya ni Isko Moreno ramdam pa rin ng mga senior citizen ng Maynila
“Ang dahilan ng suspek, mayroon siyang malapit na kaibigan na namatay because of kulam. ‘Yun ang naging motibo niya [para gawin ang pagbari],” lahad ni PMaj. Sonny Boy Garnace, hepe ng Carles Municipal Station.
Ayon naman sa isa pang anak na si Analiza, hindi raw nila alam na may matinding galit na nararamdaman laban sa mag-asawang senior.
Aniya, may nagsabi raw sa kanilang mga magulang na may pulong raw sa barangay para sa mga senior na pinuntahan ng mga ito.
Nang makarating raw sa lugar ang mag-asawang senior citizen ay wala namang tao kaya nagdesisyon na ang mga itong umuwi.
Nang pauwi ay nakasalubong pa nito si Rex, isa sa kanilang anak, na siyang nakasaksi sa krimen.
“‘Yung nanay ko, naggagamot lang pero hindi nangkukulam. Marami na siyang natulungan. Hindi ko lang talaga matanggap na pagbibintangan ang nanay ko na mangkukulam. Ang trabaho ni nanay ay ang paggagamot at hindi ang pagpatay,” salaysay pa ni Analiza.
Ang hinala pa ni Analiza, may kaugnayan ang pagpaslang sa mag-asawang senior sa naging paglapit ni “Ponce” sa kanila dahil nagkasakit ang dyowa nitong si “Jane”.
Tumanggi raw ang kanyang ina na gamutin ang babae dahil pinagbintangan na siyang mangkukulam.
Umabot pa nga ito sa barangay kung saan pumirma si Violeta sa kasunduan na mananagot ito kapag may masamang mangyari kay Jane.
Ito raw ang dahilan ng mag-asawang senior kaya nais nilang ibenta ang kanilang tinitirhan.
Matapos nito ay lumala ang lagay ni Jane at matindi ang kanilang paniniwala na kinulam ito kahit na cancer ang dahilan ng pagkamatay nito.
Ang bumaril raw sa kanilang mga magulang ay matagal na nilang nakikitang umaaligid sakanilang barangay.
“Nananalangin kami sa Diyos na bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng aming magulang at malaman namin kung sino ang nag-utos nito,” sey pa ni Analiza.