ANG “sungay” umano na tumubo sa noo ng isang 107-anyos na lola ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin siya.
Pinaniniwalaan ng mga kakilala ni Lola Chen, pati na rin ng mga netizens, na ang tumubo sa noo nito ay ang tinatawag na “longevity horn” na parang sa isang Unicorn.
Para naman sa mga Pinoy na nakabasa at nakakita sa mga litrato ng lola, baka raw ito ang nagsisilbing anting-anting ng viral centenarian para magkaroon ng mahabang buhay sa mundo.
Base sa mga naglabasang ulat, tinatayang aabot sa apat na pulgada ang haba ng sungay na makikita sa noo ni Lola Chen na mula sa China, na wala naman daw direktang epekto sa kanyang kalusugan.
Unang nasilayan ng mga netizen ang horn ng lola sa social media platform na “Douyin”, ang Chinese version ng TikTok.
Baka Bet Mo: Imahe ni Mama Mary na ‘tumubo’ sa bunga ng mais nagpapagaling ng sakit, milagrosa nga ba?
Dito mababasa ang ilang comments na wala raw balak ang lola na ipatanggal ang kanyang sungay. Pero walang makapagsabi kung kailan ito nagsimulang tumubo sa kanyang noo.
Base sa paliwanag ng ilang eksperto, “Cutaneous horn” daw ang tawag sa kondisyon ni Lola Chen pero hindi raw ito cancerous.
Sa isang health website, nabanggit na karaniwang tumutubo ang cutaneous horn sa mga taong nasa edad 60 hanggang 70.
Mula raw ito sa excess keratin sa balat ng tao na kadalasang tumutubo sa bahagi ng katawang direktang tinatamaan ng init ng araw.
Hindi ito ang unang kaso ng Cutaneous horn na napaulat dahil noong 2019 ay pinagpiyestahan din ng international media outlets ang isang 74-anyos na lalaki mula sa India na tinubuan din ng sungay sa bumbunan nito.
Ipinaopera ng naturang lalaki ang kanyang sungay na umabot din sa apat na pulgada. Naging successful naman ang surgery sa kanya.