Kahit talaga sa isang panahong dapat ay nakikisimpatya na lang tayo sa mga kapatid nating nagdarahop ngayon at ibinagsak ng kalamidad ang estado ng buhay ay meron pa ring intrigang naglalabasan kaugnay ng bagsik ni Yolanda sa Kabisayaan.
Isang pampublikong dokumento nang maituturing ang apat na raang libong pisong tulong na ipinadala ni Kris Aquino para sa mga nasasakupan ni Congresswoman Lucy Torres-Gomez sa Ormoc, Leyte.
Dahil sa matinding pasasalamat sa ginawa ni Kris ay ipinost nina Richard Gomez at Cong. Lucy ang tsekeng ipinadala ng aktres, isang aksiyon na pinasalamatan ng marami at minasama rin ng marami nating kababayan, bakit daw kailangang ipagbanduhan pa ‘yun sa publiko?
Si Sharon Cuneta naman ay nangako nang limang milyong pisong tulong para sa mga pininsala ng super typhoon sa Kabisayaan, di hamak na mas malaking halaga kesa sa ibinigay ni Kris, kaya muling nabuo ang kumpetisyon sa isang panahon na dapat ay wala nang ganu’nan.
Ayon sa ilang kababayan natin ay mas bukas daw ang palad ng Megastar para sa kapakanan ng mga sinalot nating kababayan kesa sa naturingan pa namang bunsong kapatid ng pangulo.
Kung kinaya raw ni Sharon ang limang milyong piso ay bakit hindi rin ‘yun gayahin ni Kris, tutal naman ay kapatid niya ang pangulo ng ating bayan, siya raw ang dapat maghandog ng mas malaking tulong dahil sa posisyon ng kanyang kapatid sa ating pamayanan.
Wala sa laki o liit ng tulong ‘yan, ang pinakamahalaga sa mga panahong ito ay ang kahit anong maipangdadagdag natin para sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan sa Kabisayaan, wala ‘yan sa presyo at lalong hindi natin dapat sukatin ang mga personalidad na nagmamagandang loob.
Pasalamat na lang dapat tayo dahil may mga personalidad na tulad nina Kris at Sharon na marunong magbahagi ng mga biyayang tinatanggap nila sa ating mga mas nangangailangan kababayan.
( Photo credit to Google )