TUWING sasapit ang Undas, isa sa mahalagang tradisyon ng mga Pilipino ay ang pagdalaw sa mga sementeryo upang magbigay-pugay at alalahanin ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw.
At para masiguro ang kaligtasan ng lahat ngayong taon, naglabas ng ilang gabay ang Department of Health (DOH) para sa mapayapa at maayos na pagbisita sa mga sementeryo.
Magdala ng tubig, pagkain
Inaasahan ang mahabang oras ng pagbisita kaya mahalagang magbaon ng sapat na tubig upang mapanatiling hydrated ang katawan, pati na rin ng meryenda o pagkain para hindi makaramdam ng pagkagutom.
Magdala ng panangga sa init
Makakatulong sa matinding sikat ng araw o biglaang pag-ulan ang pagdadala ng ilang panangga sa init, kaya huwag kalimutang magbitbit ng payong, pamaypay, at jacket.
Baka Bet Mo: Magdyowa nagpakasal sa sementeryo, lahat ng bisita nakaitim: Hanggang kamatayan
Magsuot ng facemask
Sa dami ng taong bumibisita, mahalagang magsuot ng facemask, lalo na kung matindi ang siksikan.
Ang pagsusuot ng mask ay isang hakbang upang maprotektahan ang sarili at ang mga kasama sa mga posibleng sakit na dala ng matinding pakikisalamuha sa maraming tao.
Mag-WASH o’Clock
Isa pa sa mga epektibong paraan ng pag-iwas sa sakit ay ang tamang paghuhugas ng kamay.
Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig bago kumain, pagkatapos gumamit ng palikuran, at bago maghawak ng pagkain.
Kung walang access sa tubig, siguraduhing may dala kang alcohol o hand sanitizer bilang alternatibo –gumamit nito pagkatapos humawak sa mga bagay na karaniwang nahahawakan ng iba.
Ang pagiging malinis ay isa sa pinakamabisang paraan upang manatiling malayo sa sakit at mga impeksyon.
Limitahan ang oras ng pagbisita
Nakasanayan ng marami ang magtagal sa mga puntod ng mga yumaong mahal sa buhay, pero mas mainam kung limitahan na lang ang oras ng pagbisita ngayong Undas.
Ito ay para maiwasan ang siksikan sa lugar.
Ang mas maikling pananatili ay makakatulong sa pag-iwas sa matinding pagdagsa ng tao, na nagpapataas ng posibilidad ng pagkahawa sa sakit.
Sumunod sa alituntunin ng LGU
Para matiyak ang kaayusan sa sementeryo, ang mga lokal na pamahalaan ay nagtatakda ng mga patakaran.
Maging mapanuri at sumunod sa ipinatutupad ng inyong barangay o lungsod –gaya ng oras ng pagbubukas at pagsasara ng mga sementeryo, mga limitasyon sa dami ng tao, at iba pang regulasyon.
Ang pagiging disiplinado ay nagpapakita ng paggalang hindi lamang sa iba pang dumadalaw, kundi pati na rin sa pamahalaan na naglalayong mapanatili ang kaayusan.
Iwasan ang pagtatapon ng basura
Bilang respeto sa ating kapaligiran at sa mga ibang bibisita, huwag mag-iwan ng mga basura sa loob ng sementeryo.
Magdala ng sariling lalagyan o plastik para sa mga kalat na hindi agad maitapon.
Dapat ugaliin ang pagpapanatili ng kalinisan ng mga lugar na ating dinadalaw at gawing isang mahalagang bahagi ng tradisyon ang pangangalaga sa ating kapaligiran.
Sa pamamagitan ng mga simpleng gabay na ito, siguradong mas magiging makabuluhan ang pagdalaw sa mga yumaong mahal sa buhay.
Bukod diyan ay mapapanatili pang ligtas at maayos ang paggunita ngayong Undas.