AMY PEREZ naging emosyonal at sensitive pagkatapos manganak


UMALIS si Amy Perez sa TV5 nang maayos at walang kaaway na mga bossing ng network. Kung meron man daw naging issue sa kanila ng ilang production staff ng dati niyang show na Face To Face, isa lamang daw itong misunderstanding.

Inamin din ni Tyang Amy na medyo naging emosyonal lang siya nitong mga nakaraang buwan dahil sa post-partum depression matapos siyang manganak sa huling baby nila ng kanyang partner na si Carlo Castillo.

Sey ni Amy ang isa sa mga naging rason ng pag-alis niya sa TV5 ay ang patayang trabaho, hindi na niya kaya ang mag-taping para sa Face To Face ng apat na episode kada araw.

Priority pa rin daw kasi niya ang kanyang pamilya kaya nagdesisyon siya na mag-resign na, kesa naman daw pilitin niya ang kanyang sarili na magtrabaho nang bonggang-bongga at hindi na maging maganda ang resulta nito sa kanilang programa.

Pero aniya, maayos ang naging pagpapaalam niya sa mga executives ng network at naniniwala siya na darating din ang panahon na maaari uli siyang makapagtrabaho sa TV5.

Pero sa ngayon, ie-enjoy muna niya ang pagiging Kapamilya muli. Nalulungkot lang siya dahil nagkaroon pa ng isyu sa kanila ng ilang empleyado ng TV5 na napalaki lang dahil lumabas pa sa mga dyaryo.

Anyway, sila nga ni Roderick Paulate ang magiging host ngayon ng game show na Singing Bee na magsisimula na sa darating na Sabado pagkatapos ng It’s Showtime.

Tulad dati, lahat ng mahilig kumanta ay pwedeng sumali sa Singing Bee kahit na nga sintunado ang boses – basta tama ang lyrics.

“Mawawala ang mga problema at stress niyo sa buhay dahil ito ang show na purong masaya lang. Perpekto rin ito sa atin dahil likas na music lovers ang mga Pilipino,” sabi ni Amy.

“Siguradong papatok ito dahil walang Pilipinong ayaw ng kasiyahan. Dito pwede kayong makikanta, makisayaw at makihula,” dagdag ni kuya Dick.

Sa unang episode ngayong Sabado ay magtatapat-tapat ang ilan sa mga pinamalalapit na kaibigan nina Dick at Amy sa industriya na sina Carmi Martin, Boboy Garovillo, Ogie Diaz, Eric Frutuoso at Kiray Celis para sa jackpot prize na P1 milyon.

Sasamahan sila ng The Voice of the Philippines finalists na sina Isa Fabregas, Jessica Reynoso, Penelope Matanguihan, Maki Ricafort at Yuki Ito bilang “Songbees” o resident singers ng show na siyang magbibigay-buhay sa pahuhulaang mga awit sa mga kalahok.

Magbabalik naman ang bandang “Bandle Bees” sa pangunguna muli ng beteranong musical director na si Mel Villena pati na rin ang seksing mga dancer na “Honeybees.”

Samantala, nahingan din ng pahayag ang dalawang hosts ng Singing Bee sa naganap na trahedya sa Visayas region, ang chika ni kuya Dick, “We Filipinos are known as resilient people.

Magsu-survive tayo with the help of our Lord. Sa amin lang, alam ko mahirap ang nangyayari but huwag nating kalimutang tumawa at huwag nating kalimutang ngumiti.

Kasi ganyan tayong mga Filipino, masayahin tayo. Hindi tayo sanay na baba, ang Pinoy laging nakatayo at lumalaban.”
“Ako noong una kong nakita, ang una kong naisip ay ‘yung pakiramdam ng isang nanay, ‘yung nawalan ng asawa at ng anak sobrang heartbreaking.

So we pray for all of them, ‘yung comfort na sana ay maramdaman pa rin nila. At kahit anong unos ang nangyayari, tayong mga Pinoy kaya nating magbigay ng nigiti pa din sa kapwa natin.”

( Photo credit to Google )

Read more...