DANIEL nagpagawa ng bagong bahay para sa mga barkada


HINDI na kami magtataka kung bakit sobrang blessed ng mag-inang Karla Estrada at Daniel Padilla dahil laging bukas-palad sila sa mga taong nangangailangan ng tulong.

Tanda naming kuwento ng common friend namin ni Karla na maski raw walang pera pa noon ang aktres ay hinahati pa rin niya ang anumang mayroon siya sa ilang kaibigang humihingi ng tulong sa kanya.

Hanggang sa nakatsikahan namin si Karla sa isang presscon at nabanggit nga niya na parang restaurant ang bahay niya na bukas kahit anong oras para sa mga kaibigan ng anak niyang si Daniel na minsa’y doon pa nakikitulog.

At heto nga, nagpapagawa na ng bagong bahay ang batang aktor at natawang sabi nga noon ni Karla, “Malaki na ang bahay, hindi na magsisiksikan ang lahat ng gustong pumunta.”

Ngayong nasalanta ang mga kababayan ni Karla sa Tacloban City ay pinangunahan niya ang paghingi ng tulong sa mga kaibigan at KathNiel fans sa buong Pilipinas at makapag-abot ng anumang bagay na puwedeng itulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Actually, marami rin kaming nababalitaan na natulungan ng mag-ina bossing Ervin at hindi lang nila ito ipinamamalita, hindi naman kasi talaga dapat i-broadcast pa kung nakatulong ka, di ba? E, kanya-kanyang diskarte na lang siguro.

Pansin mo bossing Ervin, ‘yung mga personalidad na tumutulong sa sariling paraan ay sobrang blessed? At isa nga lang sina Karla at Daniel sa kanila.

Hindi lang sa personal nilang buhay blessed ang mag-ina, maging ang mga project ng batang aktor ay blessed din tulad ng Got To Believe na patuloy pa ring humahataw sa ratings game kasama ng Honesto ni Raikko Mateo.

Samantala, marami na rin ang nakapansing malaki na ang improvement ni Daniel sa pag-arte dahil may lalim na kumpara noong Princess And I pa lang kaya naman masaya ang pamilya ng batang aktor sa lahat ng papuri sa kanya.

( Photo credit to Google )

Read more...