Sam wagi ng 3 award para sa ‘Dear SV’; Rhian game sa lifestyle show

Sam wagi ng 3 award para sa 'Dear SV'; Rhian game sa lifestyle show

Rhian Ramos, Sam Verzosa at ang mga kababayan nating nakatanggap ng negosyo package

IN FAIRNESS, kahit walang “day off” si Sam Verzosa sa pamamahagi ng tulong sa mga nangangailangan natin kababayan ay fresh na fresh pa rin ang kanyang awra.

Saksi kami sa ginagawang pag-iikot ng kongresista at TV host sa ilang bahagi ng Metro Manila, lalo na sa Maynila, para mag-share ng kanyang blessings.

Ilan nga sa kanyang mga charity works, kabilang na ang pamimigay ng negosyo package, ay napapanood sa weekly public service program na “Dear SV” na umeere tuwing Sabado, 11:30 p.m. sa GMA 7.

Kamakalawa ay nasaksihan namin ang muling pamamahagi ni Sam ng negosyo sa mga nag-post ng message sa kanyang official Facebook pati na rin sa mga social media account ng “Dear SV.”

Baka Bet Mo: Sam Verzosa namigay ng 100 food cart business sa mga taga-Maynila

Sabi ng Tutok to Win party-list representative na ngayon ay kakandidato ngang mayor ng Maynila, tuluy-tuloy ang pamimigay niya ng ayuda hindi lamang sa mga Manileño kundi pati na sa lahat ng mga kababayan natin mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Tulad na lang ng pagsorpresa niya sa mga viewers ng “Dear SV” na dinala mismo ng kanyang staff sa Frontrow Headquarters (isa sa mga matagumpay na negosyo ni SV at ni RS Francisco), para personal na i-turn over ang ibibigay niyang “SioMaynila” business package.


Talaga namang hindi napigilan ng masusuwerteng kababayan natin ang maiyak nang makita ang regalo sa kanilang negosyo ni SV. Abot-langit ang pasasalamat nila sa TV host.

Samantala, ibinalita rin ni SV na posibleng ang girlfriend niyang si Rhian Ramos ang pumalit sa kanya sa “Dear SV” kapag nagsimula na ang campaign season.

Pansamantala munang mawawala sa ere ang kanyang programa (blocktimer sa GMA) habang busy siya sa pagtutok sa pagtakbo niya sa 2025 elections at posibleng ang lifestyle show ni Rhian ang pumalit.

Nag-usap na raw sila ng Kapuso star hinggil dito, “Baka si Rhian ang ipalit ko sa kung ano yung mga passion niya, like travel, food, lifestyle show.

“Actually, napaka-supportive ni Rhian. If ever man na magkaroon ng bagong programa, kung may ipapalit man sa akin, siya na lang.

“Parang parehong project pa rin namin. Pareho kasi kami ni Rhian ng mga passion, hobbies. Baka puwedeng siya ang magtuloy dahil may mga limitasyon muna kasi ako.

“Hindi muna Dear SV ang ipalalabas namin, ibang show naman, pero amin pa rin. Hindi na nga lang puwede yung title ko, hindi na ako puwedeng lumabas sa TV.

“I think hanggang March 2025 na lang ako mapapanood sa TV dahil magsisimula na ang campaign period mula Marso 28, 2025 hanggang May 10, 2025,” ang paliwanag ni SV.

Speaking of “Dear SV”, pinarangalan si Sam bilang Philantrophist of the Year sa naganap na Rising Tigers Charity Ball kagabi, October 30, na ginanap sa Makati Shangri-La Hotel sa Makati City.

Bukod dito, ginawaran din siya ng Excellence Award for Outstanding Public Service Program Host para sa “Dear SV” na siya ring tumanggap ng Excellence Award for Outsanding Public Service Program.

“I am grateful and humbled, lalo na two years pa lang sa telebisyon ang Dear SV. Kahit dalawang taon pa lang ang show ko, marami na ang nakaka-appreciate ng mga ginagawa namin sa programa,” pahayag ni Sam Verzosa.

Read more...