SHOWING na ngayong araw, October 30, ang latest horror movie ng Viva Films, ang “Pasahero” mula sa direksyon ng cult director na si Roman Perez, Jr..
Napanood na namin ang pelikula na kasali sa “Sine Sindak 5” horror film festival na nagsimula na today bilang bahagi na rin ng Holloween 2024.
In fairness, maganda ang pagkakagawa ni Direk Roman sa “Pasahero” na tumatalakay sa tinatawag na “bystander effect”. Hindi lang ito basta katatakutang pelikula dahil may kabuluhan ito at ipinaglalabang hustisya.
Maraming takot at gulag factor ang pelikula na siguradong magmamarka sa manonood pero more than that, marami ring mapupulot na aral ang audience sa kuwento ng “Pasahero”.
Sabi nga namin after watching the movie, bilang isang commuter, parang naramdaman din namin ang guilt na na-feel ng bawat karakter matapos nilang dedmahin ang paghingi ng tulong ng kapwa nila pasahero na ginahasa ng isang adik sa loob mismo ng sinasakyan nilang tren.
Sa pelikulang ito ni Direk Roman, mangyayari ang krimen sa loob ng tren kung saan may pitong pasahero na pwede sanang tumulong, pero mas pinili nilang magbulag-bulagan.
Bida rito sina Louise delos Reyes, Yumi Garcia, Katya Santos, Mark Anthony Fernandez, Andre Yllana, Keann Johnson, Rafa Siguion-Reyna, Dani Zee at Bea Binene.
Si Michelle (Louise), ay isang probinsiyanang umaasa ng magandang buhay sa Maynila. Pero sa pagsakay niya ng tren isang gabi, makukursunadahan siya ng isang lalaking may suot na maskara.
Dadalhin siya sa may dulong parte ng tren habang walang kibo ang ibang pasahero.
Si Angel (Bea), isang graphic and visual artist ay maraming online followers. Maaga siyang naulila at dahil sa trauma ng kanyang kabataan, nangako siya sa sarili na hindi na makikialam sa iba.
Sakay rin ng tren si Trina (Katya), at ang kanyang 10 taong gulang na anak na si Belle, (Dani Zee). Hindi tutulong si Trina dahil sa takot sa kaligtasan ng kanyang anak.
Kung merong makakatulong kay Michelle, yun sana ay si Tom (Mark Anthony), na dating boksingero. Malakas pa rin ang pangangatawan nito dahil nagtuturo ito sa mga batang gustong maging boksingero, pero sa harap ng kriminal, tila naging bato lang si Tom na hindi makagalaw.
Sa halip na magtulung-tulong ang tatlong magkakaibigang sina Martin (Andre Yllana), Alvin (Keann Johnson), at Drea (Yumi Garcia), pinili nilang ituon ang atensyon sa kani-kanilang gadgets.
Si Alvin ay isang rich kid na tinuturing ang sarili bilang humanitarian, at si Martin, ay sinasabing may malawak na kaalaman sa lipunan, pero tulad ni Tom ay wala silang tapang.
Sa pagpapatuloy ng kwento, saksihan kung paano uusigin ng konsensiya ang mga pasahero. Bawat isa ay makakaranas ng kamalasan, pati ang kanilang mga mahal sa buhay.
Kung binigo man nila si Michelle noon, may magagawa pa kaya sila ngayon
para makuha ng dalaga ang hustisya? Siyempre, hindi muna namin ibibigay ang mga plot twist ng pelikula para ma-enjoy n’yo rin ang kabuuang kuwento.
Pero sure kami na hindi masasayang ang parang ibabayad n’yo sa sinehan kapag pinanood n’yo ang “Pasahero.” Lahat ng pelikulang kasama sa Sine Sindak 5 ay mapapanood sa halagang P150 lang.
Mula sa Viva Films at JPHLiX Films, ang “Pasahero”, produced by Studio Viva in
cooperation with BLVCK Films at Pelikula Indiopendent, ay palabas na sa mga sinehan nationwide kaya watch na!