ARESTADO ang aktor na si John Wayne Sace matapos umanong barilin ang isang kaibigan sa isang lugar sa Barangay Sagad, Pasig City.
Base sa inisyal na ulat ng Pasig City Police, nakilala ang biktima sa pangalang Eugenio, na pinagbabaril umano ng suspek gamit ang .45 caliber pistol.
Naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi, base sa ulat ng “Balitanghali” sa GTV. Apat na beses umanong pinaputukan ni Sace ang biktima na siyang ikinamatay nito.
Nakorner at naaresto si Sace sa isang hotel malapit sa lugar na pinangyarihan ng krime, base sa inisyal na pagsisiyasat.
Baka Bet Mo: John Wayne Sace nanawagan kay Coco Martin, bet mapasali sa ‘Batang Quiapo’: Sana maaalala niya ulit
Narekober din ng mga rumespondeng otoridad ang baril na ginamit sa pamamaril.
Ayon sa mga imbestigador, posibleng nagkaroon ng matinding alitan sa pagitan nina Sace at Eugenio na nag-ugat sa matagal na nilang hindi pagkakaunawaan.
Ngayong umaga, inilipat ang naarestong aktor sa Eastern Police District headquarters kung saan siya sumailalim sa paraffin test para matukoy kung siya nga ang bumaril sa biktima.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng Pasig Police hinggil sa kaso. Wala namang inilabas na pahayag si Sace hinggil sa kanyang pagkakaaresto.
Matatandaang noong 2016, nasangkot din ang aktor isang ambush incident sa Pasig, kung saan namatay ang isa niyang kasama.
Samantala, bago maaresto ang aktor, nakapag-post pa umano ito sa social media ng, “Nagtutulak kayo ng droga palihim…ilang beses n’yo na ko pinagplanuhan katulad kagabi.
“Di ba?? Pag umalis ako papatayin nyo pamilya ko…hayop kayo,” sabi pa ni John Wayne Sace.