PINRESYUHAN ng content creator at negosyanteng si Boss Toyo ang makasaysayang damit ni Nora Aunor ng tumataginting na P5 million.
Bitbit ng National Artist at nag-iisang Superstar ang isinuot nitong bestida nang manalo sa “Tawag ng Tanghalan” noong 1967.
Sa YouTube channel ni Boss Toyo na “Pinoy Pawnstars” ay mapapanood ang pagtungo ni Ate Guy sa kanyang shop at dala nga ang kanyang historical “OOTD” ilang dekada na ngayon ang nakararaan.
Ayon kay Boss Toyo, matagal na niyang iniimbita ang TV at movie icon sa pag-aari niyang shop para pirmahan ang mga items na ibinenta sa kanya ng mga Noranians.
Sey ng Superstar, hindi naman daw talaga niya ibinebenta ang kanyang dress kay Boss Toyo, “Kaya ko po dinala para makita po ninyo. Ang pakay ko po talaga ay para makatulong po kayo sa mga kababayan po natin na nasalanta ng bagyong si Kristine sa Bicol.”
Baka Bet Mo: Boss Toyo wish mabili ang Lastikman costume ni Vic; nagsisi kay Daniel
Natuwa naman si Boss Toyo at sinabing perfect daw ang damit ni Nora sa ipatatayo niyang museum sa January, 2025.
“Ang worth po nito ay assess ko, hindi ito bababa sa P5 million. Kasi one and only lang kayo, Ma’am. Nag-iisa, tapos ito pa yung nagsisimula pa lang po kayo dito,” ani Boss Toyo.
Na-shock si Ate Guy sa halagang binanggit ng vlogger na nagsabi kay Nora ng, “Seryoso po ako diyan. This is something na kakaiba.”
Pero dahil nga hindi ipinagbili ng Superstar ang kanyang makasaysayang bestida, binigyan na lamang siya ni Boss Toyo ng P250,000 bilang donasyon sa pamamagai ni Ate Guy ng relief goods sa mga kababayan niya sa Bicol.
Sey ni Ate Guy kay Boss Toyo, “Pare-pareho lang po tayo. Wala pong superstar, wala pong artista sa pag-uusap po natin. Ordinaryong tao lang po tayo.”
“Nagpunta ako rito para humingi ng tulong sa kanya na matulungan po ang mga kababayan po natin sa Bicol na nasalanta po ng bagyong Kristine.
“Alam nyo po, taga-Baao, taga-Iriga, ang tatay ko po taga-Nabua. Lahat po yun ay… yung tulay po sa Nabua at saka sa Baao, sira po yun.
“At napakarami po ng mga kababayan natin na nangangailangan ng pagkalinga at pagtulong. Lalo na po sa mga pagkain, sa mga kumot, pagkain, damit.
“Ang totoo po nu’n, yung mga damit ko po na hindi ko na nagagamit, kagabi po ay sinort-out po namin para malagay po sa kahon at mapadala po sa Bicol.
“At kay Boss Toyo naman po ay malaki po ang pasasalamat ko dahil natulungan po tayo at nakapagbigay po siya ng P250 thousand po para sa mga kababayan natin sa Bicol,” mensahe pa niya.
Bago matapos ang vlog ay pinirmahan ni Ate Guy ang mga Nora Aunor dolls ni Boss Toyo.
Si Ate Guy ay kumakandidatong second nominee ng People Champ’s partylist para sa 2025 midterm elections.