Yassi Pressman tinalakan ng netizens, damay sa inis kay Gov. Luigi

Yassi Pressman tinalakan ng netizens, damay sa inis kay Gov. Luigi

NASERMUNAN ng mga netizens ang actress-dancer na si Yassi Pressman dahil sa isyung kinasasangkutan ng dyowa nitong si Camarines Sur Governor Luigi Villafuerte.

Marami kasi ang bumabatikos sa mga Villafuerte matapos mamataan umano ang mga ito na nagbabakasyon at tahimik sa gitna ng pananalasa ng bagyong Kristine sa Bicol region.

May mga kumalat na larawan sa Facebook kung saan makikita si Yassi kasama ang dyowa at kuha raw ang naturang larawan mula sa Siargao.

Kaya hindi kataka-taka na mag-trending sa X (dating Twitter) ang pangalan ng aktres dahil sa mga talak ng netizens.

Baka Bet Mo: Yassi Pressman, Luigi Villafuerte nag-celeb ng 1st anniversary

“Sana kung gaano kalakas ang loob ni Gov. Luigi Villafuerte laplapin si Yassi Pressman in public, ganon din sana kalakas ang loob niya na lumabas ngayon para silipin at kamustahin ang mga taga CamSur na labis na naapektuhan ng #KristinePH #BangonNaga #PrayForBicol,” tweet ng isang netizen.

Sabi naman ng isa, “yassi pressman associating herself with families like this is so low…. yall really have no self respect”

“While the entire Bicol region is submerged in floodwaters and in desperate need of help and rescue, Camarines Sur Governor Luigi Villafuerte and his girlfriend, Yassi Pressman, were spotted in Siargao. #KristinePh,” hirit pa ng isa.

Samantala, nauna naman nang pinabulaanan ni Cong. LRay Villafuerte ang mga akusasyon na ibinabato laban sa kanyang pamilya.

“Ngayon panahon ng kalamidad Dapat lahat nag tutulungan at Nagkakaisa , kaya lang ang mga desperado , mga sinungaling at mga ulol namin na mga kalaban nag papalabas ng fake news sa kanilang mga fake accounts na ako daw at si gov luigi ay nasa siargao daw ngayon habang ang Ating mga kababayan ay nag hihirap sa baha!

“Kasinungalingan at hinde tutoo ito ! Dahil Alam ng mga taga camsur na puro panira at daldal lang ang aming mga kalaban at wala natutulong kaya gusto lang nila gumawa ng fake news para siraaan kami!” saad ni Cong. Lray.

Aniya, late upload lang raw ang naturang larawan at October 21 pa lang ay nakauwi na sila ng CamSur.

Hirit pa niya, “Lumang style na yan gawa nyo mga ul*l , hinde nyo kaya lokohin mga Tao ! Ilan election nyo na yan ginagawa para siraaan kami . Alam ng Tao and tutoo , mas alam ng tao ang fake news!”

Samantala, wala pa namang inilalabas na pahayag si Yassi hinggil sa kinakaharap na isyu.

Read more...