KathDen kumasa sa ‘rate your closeness’ challenge, magkaiba ang sagot

KathDen kumasa sa 'rate your closeness' challenge, magkaiba ang sagot

Kathryn Bernardo, Alden Richards, Cathy Garcia, Valerie Concepcion, Joross Gamboa at Jennica Garcia

KUNG ang pagbabasihan ay ang kanilang mga galawan at tinginan, mukhang may “something” na nga sa pagitan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo.

Sa naganap na grand mediacon ng bonggang collaboration ng ABS-CBN Studios, Star Cinema at GMA Pictures, ang “Hello, Love, Again” ngayong araw, saksi kami kung paano alalayan at alagaan ni Alden si Kath.

Habang nagaganap ang presscon na ginanap sa Dolphy Theater, talagang inobserbahan namin ang bawat kilos at bawat tinginan at titigan ng KathDen at feel na feel namin ang kanilang kasweetan at pagke-care sa isa’t isa.

Baka Bet Mo: KathDen movie hindi na ilalaban sa MMFF 2024: ‘May Vice Ganda na kasi’

In fairness, kilig na kilig ang nagtitiliang fans nang tawagin na sina Alden at Kathryn during the Red carpet rampahan kasabay ang kanilang direktor na si Cathy Garcia Sampana.


Sa isang bahagi ng presscon ay muli ngang natanong ang KathDen kung paano na nila ire-rate ngayon ang kanilang closeness after nilang gawin ang “Hello, Love, Again”, ang part 2 ng kanilang blockbuster hit movie na “Hello, Love, Goodbye.”

Sa panayam kasi ni MJ Felipe sa dalawa noong nagsu-shooting pa sila sa Canada at sinabi ni Alden na nasa 85 percent na ang level ng kanilang pagiging espesyal na magkaibigan.

Sabi ng binata two months ago, “Parang ngayon nga nag-uusap kami ni Kath everytime na kaming dalawa lang na ngayon lang talaga namin nakilala ang isa’t isa.

“Kasi before ‘HLG’ wala namang chance to really talk to each other. Mas comfortable, mas familiar like I said, ‘yun ‘yung parang nagiging way namin to make this film even more effective than the first part,” ani Alden.

Sabi naman kay Kath, “I think safe to say na compared to ‘Hello, Love, Goodbye’ to ‘Hello, Love, Again’ parang medyo malaki ang change nu’n kasi iba ‘yung naging set-up then.

“Sa working environment kasi iba din naman kung paano kami ngayon tapos mas nakilala ko na over the years so if we’re talking about comfortability, nandu’n kami sa stage na very comfortable na we can talk about anything,” dugtong ng aktres.

Kaya nang matanong uli sila kung paano na nila ire-rate ngayon ang kanilang closeness, medyo matagal bago nakasagot si Alden kaya nag-suggest si Direk Cathy na sabay na lang nila itong sagutin.

“Ah, sige Direk, sabay na lang,” sabi ni Kathryn na sinang-ayunan naman ng Kapuso actor.


Ang naging tugon ni Kathryn ay “87 percent” habang si Alden naman ay isang malakas na “100 percent” ang isinigaw.

Tawa nang tawa ang dalawa sa magkaiba nilang sagot. Naitulak pa ng aktres ang kamay ng kanyang leading man habang laugh nang laugh na ikinakilig ng fans na nasa venue ng presscon.

Natatawa namang reaksyon ni Alden, “87!? Two points in two months.”

“Two months pa lang (yung nakalipas), so, one point (each month)!” hirit ni Kath kung saan um-agree naman si Alden.

Hamon naman ng dalaga kay Tisoy, “100 talaga? Sige nga ano’ng favorite color ko?” Na mabilis na sinagot ni Alden ng, “Green!” Na ikinagulat nga ni Kath.

Sundot na question niya sa Kapuso actor, “Ano’ng gusto kong kainin ngayon?” Nag-isip nang bahagya si Alden pero biglang ibinulong ni Kath ang kanyang sagot na “sisig” na inulit lang ng aktor.

Tinanong naman ni Alden ang kanyang leading lady ng, “Favorite color?” Sagot ni Kathryn, “Oh, no! What’s your favorite nga…oh, blue!” Nag-yes naman si Alden kasunod ang tilian ng KathDen fans.

Mapapanood na ang “Hello, Love, Again” sa mga sinehan nationwide simula sa November 13. Kasama rin sa movie sina Joross Gamboa, Jeffrey Tam, Lovely Abella, Valerie Concepcion, Jennica Garcia at marami pang iba.

Bukod sa Pilipinas, mapapanood din ang pelikula ng KathDen sa daan-daang sinehan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Read more...