Mastermind sa pagkamatay nina Arvin at Lerma Lulu, arestado

Mastermind sa pagkamatay nina Arvin at Lerma Lulu, arestado

ARESTADO ang itinuturong mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller sa Pampanga na sina Arvin at Lerma Lulu.

Ang nakakagimbal na balita? Ang naturang mastermind sa pagpanaw ng dalawa ay kumpare pa pala nila at ninong ng kanilang anak.

Marami ang nabigla sa kalunus-lunos na sinapit ng mat-asawa matapos tambangan ng riding-in-tandem ang kanilang sasakyan.

Kasama pa ng dalawa ang kanilang anim na gulang na anak at pamangkin nang mangyari ang insidente.

Baka Bet Mo: Rendon sa pagtakbo ni Diwata: Baka akala n’ya magluluto lang siya ng pares

Base sa naging imbestigasyon ng mga pulis, anim na beses binaril si Arvin at tatlong beses naman si Lerma.

Nakaligtas naman mula sa tragedya ang anak at pamangkin nito.

Sa press briefing na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes, October 15, naaresto na nila ang pito pang katao pati na rin ang utak ng pangyayari matapos ang kanilang two-day operation.

Una ngang nahuli ang gunman at backrider na sina Arnold Taylan at Arnel Buan sa Nueva Ecija.

Inamin naman ng dalawa ang mga naging kasabwat nila sa krimen na sina Robert Dimaliwat, Rolando Cruz, Jomie Rabandaban, Sancho Nieto at ang umano’y mastermind na si Anthony Limon.

Ayon sa imbestigasyon ng PNP, isa ring online seller ang mastermind at may utang ito na nagkakahalaga umano ng P13 million sa mag-asawa.

Ito nga raw ang tinitignang motibo ng mga akusado sa pagpatay.

“’Yong ating suspect na mastermind ay engaged din sa online products, so kung mawawala ‘yong mag-asawa siya na ‘yong magiging exclusive distributor and at the same time mawawala na utang niya,” saad ni PRO-3 Regioinal Director Police Brigadier General Redrico Maranan.

Sabi pa ng mga otoridad, August pa nang magsimula ang paghahanap ng gun-for-hire ng mastermind para patayin ang mag-asawa.

Nakahanap nga ito at nasa halagang P900,000 ang naging kontraya nila ng grupong gagawa ng krimen.

“At ang una pa nga pong instruction niya [mastermind] rito po sa mga gun-for-hire na ito ay pasukin na po ang bahay ng mag-asawang Lulu, kuhain po ‘yong cheke na talbog na in-issue niya na worth ₱13 million and pati po ‘yong dalawang cellphone kailangan daw po makuha. But unfortunately, based po doon sa revelation po no’ng gunman, hindi umubra,” lahad ni Pcol. Jay Dimaandal, Provincial Director ng Pampanga PPO.

Binanggit rin ni Pcol. Dimaandal sa isa pang panayam na kumpare ng namayapang mag-asawa ang mastermind.

“Ito pong mastermind is inaanak din po nila ‘yung anak ng mag-asawang Lulu na nabiktima. So ibig sabihin, magkumare sila, magkakaibigan sila.”

Ngayon ay hawak na ng pulisya ang mga suspek at nahaharap ang mga ito sa kasong double murder.

Read more...