NAGPATULOY ang nagliliyab na paglalaro ng Indiana Pacers, ang tanging koponan na wala pang talo sa kasalukuyang season ng NBA.
Umiskor ng 23 puntos si Paul George at nagtala ng kauna-unahan niyang triple-double na 13 puntos, 12 assists at 11 rebounds si Lance Stephenson para pangunahan ang Pacers sa 95-79 panalo laban sa Memphis Grizzlies sa Indianapolis.
Ito ang ikawalong panalo ng Pacers na naging ikapitong koponan na nakapagtala ng 8-0 start mula 2000 season. Ang dating best season start ng Indiana ay 6-0.
Tumulung din, lalo na sa depensa, ang sentro ng Pacers na si Roy Hibbert na nagtala ng limang shot blocks kahapon. Si Hibbert ay nag-aaverage ng league-best 3.75 blocks kada laro.
Ang Memphis ay pinangunahan ni Marc Gasol na may 15 puntos at ni Zach Randolph na may 12. Bulls 96, Cavaliers 81
Sa Chicago, gumawa ng 16 puntos ang dating Most Valuable Player ng liga na si Derrick Rose bago lisanin ang laro sa fourth quarter dahil sa injury.
Pitong puntos lamang ang abante ng Bulls, 83-76, sa puntong umalis ng playing court si Rose. Pero hindi ito napagsamantalahan ng Cavaliers dahil umiskor ng apat na diretsong puntos si Mike Dunleavy para umangat sa 11 ang kalamangan ng Bulls, 87-76, at di na nakabawi pa ang Cleveland.
Sa iba pang laro, tinalo ng Rockets ang Raptors sa overtime, 110-104; binigo ng Spurs ang 76ers, 109-85; kinatay ng Hawks ang Bobcats, 103-94; tinisod ng Caltics ang Magic, 120-106; binugbog ng Nuggets ang Jazz, 100-81; at naungusan ng Clippers ang Timberwolves, 109-107.
( Photo credit to INS )