DEAR Atty.:
NAPANOOD ko po ang hearing sa Senate tungkol sa pork barrel scam. Humarap po doon si Janet Napoles, pero wala akong narinig sa kanya kundi “wala akong alam” tsaka “I invoke my right against self incrimination”. Ano po ba ang ibig sabihin ng “I invoke my right against self incrimination”? Salamat po.
—Joanna, Surigao city
Dear Joanna:
Ang self-Incrimination ay ang pagsasalita na maaaring gamitin na ebidensya laban sa taong nagsalita.
Sa ating batas, karapatan ng isang tao na huwag magbigay ng ebidensya ng pagkakasala.
Kaakibat nito ang madalas din nating naririnig na “right to remain silent”.
Ibig sabihin, ang pagiging tahimik ay hindi pag-amin. Sa ating sistema ng paglilitis, hindi kailangan magbigay ng kahit anong ebidensya ang isang taong nasasakdal gaya ni Mrs. Napoles upang maipako ang kanyang sarili.
Kung meron kasalanan ang nasasakdal, ebidensya ng “prosecution” o ng nag-aakusa ang pinakamatibay na basehan kung siya nga ay may kasalanan. Karapatan ng nasasakdal na hindi tulungan ang “prosecution” sa pagkalap ng ebidensiya. Magbibigay ba siya ng ebidensiya para maibaon ang kanyang sarili? Siyempre, hindi.
Kapag nagsalita ang nasasakdal, maaaring sa bibig niya mismo makakuha ng ebidensiya ang prosecution, na later on ay siyang magbabaon sa kanyang sarili sa kaso.
Ito ay nakasaad sa ating Constitution na ang lahat ng nasasakdal, hindi lang si Mrs. Napoles ang may “right to remain silent” at “right against self-incrimination”.
Inuulit natin, ang pagiging tahimik ay hindi pag-amin ng kasalanan. – Atty.
Dear Atty.:
Pwede po bang mag-increase ang aming landlord sa pinauupahan niyang apartment? Gusto kasi niya taun-taon na lang ay mag-increase ng upa pero wala naman po siyang ginagawang improvement sa inuupahan namin gaya ng pagpapaayos ng bubong, mga sirang pintuan, hindi man lang niya ito mapapinturahan? At magkano po ba ang dapat niya lang i-increase? Ano po ba ang nasa sa batas? — Tricia, Quezon City
Dear Tricia:
Kung meron kayong “Contract of Lease,” ang usapan dito ang masusunod. Makabubuting pag-aralang mabuti ang inyong kontrata.
Kung wala, ang pangungupahan ninyo ay “month to month” basis kung saan, tuwing matapos ang buwan, “automatic terminated” ang inyong usapan.
Wala siyang obligasyon na tanggapin kayo ulit bilang lessee pagkatapos ng “1 month”. – Atty.