Gitarang pirmado raw ni Taylor Swift minartilyo ng lalaki sa auction
MINARTILYO at winasak ng isang lalaki ang gitarang may autograph ng international artist na si Taylor Swift sa isang auction.
Ang naturang gitara ay nabili ng naturang lalaki sa halagang 4,000 US dollars o tumataginting P225,784 sa naganap na auction noong September 30, 2024, sa Ellis County Wild Game Dinner.
Ito’y isang non-profit event na tumutulong sa mga agricultural education para sa mga kabataan sa Ellis County sa Texas.
Viral na ngayon ang video ng lalaking nakilala sa pangalang Gary Estes na siyang nanalo sa pag-auction ng gitarang may autograph ni Taylor Swift.
Baka Bet Mo: Gitarang pirmado ng Eraserheads para kay Gab, naibenta ng P1.3 million
Makikita sa video na in-upload ng Instagram user na @TONYxTWO, ang pagkuha ni Estes sa gitara at ang pagwasak nga nito sa naturang instrumento sa pamamagitan ng pagpapalo rito gamit ang martilyo.
View this post on Instagram
Ihahampas pa sana nito sa sahig ang gitara pero inawat na siya ng mga organizert ng event. In fairness, sigawan at palakpakan ang ilang nakasaksi sa ginawa ng lalaki.
Nabatid na ang gitarang pirmado ni Taylor Swift ay may kasama ring certificate of authenticity na umano’y donasyon sa naganap na auction.
Base sa nabasa naming comment sa social media, mukhang ginawa raw yun ni Estes bilang protesta sa pag-eendorso ni Taylor Swift kay US Vice President Kamala Harris na tatakbong pangulo sa sa 2024 elections sa Amerika.
Base naman sa official statement ng Ellis County Wild Game wala naman daw masamang ibig sabihin ang pagmartilyo ng lalaki sa gitara.
“It was just a funny thing that happened at our annual event. The crowd thought it was hilarious. At the end of the day, the kids win and will benefit from this,” bahagi ng opisyal na pahayag ng ECWG.
View this post on Instagram
Samantala, sabi naman sa ulat ng TMZ nitong nagdaang October 3, nabanggit ni Estes na hindi physical na pinirmahan ni Taylor Swift ang gitara.
Sinabi rin daw nito na winasak niya ang nasabing instrumento dahil sa kantiyaw ng mga taong naroon. Buti na lang daw at hindi inabot ang mismong pirma ni Taylor Swift.
Ani Estes, ipina-auction din niya ito sa eBay at ang halagang makukuha niya ay ido-donate rin niya sa charity.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.