SIMULA na ang katatakutan! Muling nagbabalik ang inaabangang horror film festival sa Pilipinas na “Sine Sindak 2024” na magaganap ngayong October.
Isang annual movie event na hinanda para sa lahat ng mahilig manood ng horror, mapapanood sa “Sine Sindak: Ang Ika-5 Yugto” ang mga full-length horror films na ipalalabas exclusively sa SM Cinema simula October 30 hanggang November 5.
Ngayong taon, isa sa mga major film production companies ng bansa, ang Viva Films, ay magkakaroon ng apat na entry para sa naturang Holloween event.
Mula sa produksyon na naghatid sa atin ng mga hit horror movies tulad ng “Deleter”, “Mary Cherry Chua”, “Marita” at marami pang iba, humanda na sa pinakabago at nakakakilabot na movie experience!
Baka Bet Mo: Allan K mas tumindi pa ang faith kay Lord: Ano pa ba ang katatakutan ko, hello?
Abangan ang mga local film entries na “Pasahero”, “Nanay, Tatay”, at ang dalawang foreign films na “The Thorn: One Sacred Night” at “House of Sayuri” sa “Sine Sindak 2024: Ang Ika-5 Yugto.”
Mula sa Viva Films at JPHLiX Films, produced by Studio Viva production in cooperation with BLVCK Films at Pelikula Indiopendent, ang “Pasahero” ay isang suspense-horror film na pinagbibidahan nina Louise delos Reyes, Yumi Garcia, Katya Santos, Mark Anthony Fernandez, Keann Johnson, Andre Yllana, Rafa Siguion-Reyna, Dani Zee at Bea Binene.
Mula sa direksyon ng Cult Director na si Roman Perez Jr., ito ay tungkol sa pitong pasahero ng tren na magiging saksi sa isang karumal-dumal na krimen sa loob nito, pero pipiliin nilang ‘wag makialam at manahimik tungkol dito.
Hindi magtatagal ay bubulabugin sila ng kanilang konsensya at may mga haharaping kapahamakan na may kinalaman sa naging insidente sa tren.
Isang family horror naman ang aabangan mula sa writer and director ng “Mary Cherry Chua” at “Marita” na si Roni S. Benaid. Ang “Nanay, Tatay” ay pagbibidahan nina Aubrey Caraan, Andrea del Rosario, Heart Ryan, Elia Ilano, Jeffrey Hidalgo, Billy Vileta, at Xia Vigor.
Ito ay tungkol naman sa tatlong dalagita na kukupkupin at patutuluyin ng mag-asawang nawalan ng anak. Aakalain nilang nakahanap na sila ng mapagmahal na pamilya, pero ang hindi nila alam, ang bago nilang tirahan ay may kaluluwang hindi matahimik at nilalagay nito sa kapahamakan ang mga naninirahan dito.
Produced by Studio Viva, ang “Nanay, Tatay” ay handog sa ng Viva Films at Happy Infinite Productions Inc..
Ipalalabas din ng Viva Films ang dalawang foreign films sa Sine Sindak, ang Indonesian Film na “The Thorn: One Sacred Night” at ang Japanese film na “House of Sayuri”
Ang “The Thorn: One Sacred Night” ay isang Indonesian film tungkol sa isang lalaking nawalan ng pamilya dahil sa isang trahedya. Mababalot naman ng kababalaghan ang kanilang lugar at hihingin nila ang tulong ng lalaki para malabanan ito.
Matapos ang pagtulong, makakahanap ang lalaki ng mga bagong ebidensya tungkol sa pagkamatay ng kanyang pamilya at madidiskubre ang isang masamang espiritung gagambala sa kanya.
Ito ay pelikula ng isang kilala at critically-acclaimed director na si Hanny Saputra.
Samantala, ang “House of Sayuri” naman ay isang Japanese film tungkol sa pamilyang lilipat na sa kanilang pinapangarap na bahay. Ang hindi nila alam, ang bahay ay nababalot ng katatakutan at binabahayan ng isang espiritung nagdadala ng lagim sa sinumang nakatira rito.
Hango sa legendary horror comic ni Rensuke Oshikiri, ito ay pelikula ng kilalang Japanese horror director na si Koji Shiraishi.
Abangan ang mga pelikulang ito at maging isa sa mga unang makakapanood sa sinehan. Sa
halagang P150 per screening, mae-enjoy mo na ang horror treats na ito. At kung gusto n’yo naman ng all-day takutan, sa halagang P300, makakakuha na kayo ng all-day pass sa lahat ng entries.
Maaari nang bumili ng ticket simula sa October 9. Mapapanood lahat ng entry exclusively sa SM Cinemas, mula October 30 hanggang November 5.