SURE na sure nang tatakbo sa 2025 midterm elections si dating Vice President Leni Robredo.
Ayon sa report ng INQUIRER.net, nag-file ang dating bise presidente ng certificate of candidacy (CoC) nitong Sabado, October 5.
Siya ay nakatakdang kumandidato bilang mayor sa kanyang hometown sa Naga City, Camarines Sur sa ilalim ng Liberal Party.
Ang mga kasama niyang nagpunta sa Commission on Elections (Comelec) at nagpakita ng suporta ay ang kanyang dalawang anak na sina Aika at Jillian, pati na rin ang ilang miyembro ng pamilya at mga kaibigan.
Sinabi ni Ginang Leni sa isang interview na ang prayoridad niya kung sakaling mahalal next year ay “transparency” at ilang patakaran na pwedeng magtulak sa pag-unlad ng ekonomiya ng nasabing siyudad.
Baka Bet Mo: Bea Binene kinilig sa date nila ni Leni Robredo: Love you always!
Ngunit bago pa siyang mag-file ng CoC, binisita muna ni Robredo ang puntod ng yumao niyang mister na dating Interior Secretary na si Jesse Robredo.
Para sa mga hindi aware, si Ginoong Jesse ay naging alkalde ng Naga City mula 1988 to 2010 in successive terms.
Samantala, taong 2016 nang nanalong vice president si Mrs. Robredo na kung saan ang isa sa mga nakalaban niya noon ay si Bongbong Marcos na pangulo na ngayon ng ating bansa.
Siya ang ikalawang babae na naging bise presidente ng Pilipinas matapos si Gloria Macapagal Arroyo.
Si Ginang Leni ay naglingkod sa ilalim ng dating Pangulong Rodrigo Duterte hanggang 2022.
Taong 2022 rin nang sinubukan niyang tumakbo sa presidential elections, ngunit siya ay natalo ni Pangulong Bongbong.