KINORONAHAN na ang kauna-unahang reyna ng Miss Cosmo pageant!
Siya’y walang iba kundi ang pambato ng Indonesia na si Ketut Permata Juliastrid.
Tinalo niya ang 55 na iba pang mga kandidata na naganap kagabi, October 5, sa Saigon Riverside Park sa Ho Chi Minh City, Vietnam.
Bukod sa korona, ang naiuwing cash prize ng top winner ay nasa halagang $100,000 o mahigit P5.6 million.
Ang itinanghal naman na first runner-up ay si Mook Karnruethai Tassabut ng Thailand, habang ang remaining delegates na nakapasok sa Top 5 ay sina Romina Lozano na panlaban ng Peru, Samantha Elliott of USA, at Bùi Thi Xuân Hạnh ng Vietnam.
Baka Bet Mo: Chelsea Manalo: ‘Ilalaban natin ang pang-limang korona sa Miss Universe!’
Ang pambato naman natin na si Ahtisa Manalo ay nagtapos sa Top 10 at nakuha ang mga awards na “Cosmo People’s Choice” at “Miss Cosmo Tourism Ambassador.”
Hindi ito ang unang pagkakataon na may sinalihang international pageant si Ahtisa.
Kung matatandaan, siya ang itinanghal na first runner-up sa 2018 Miss International competition na ginanap noon sa Japan.
Siya ang naging pambato ng Pilipinas sa Miss Cosmo pageant matapos siyang hiranging second runner-up sa 2024 Miss Universe Philippines noong Mayo.
Kabilang sa naging jury panel ng kakatapos lang na kompetisyon ay sina 2021 Miss Universe Harnaaz Sandhu mula India, dating Miss Universe Organization President Paula Shugart, 2022 Miss Supranational second runner-up Kim Duyen ng Vietnam, at ang Vietnamese beauty queen na si H’Hen Nie na nagtapos ng Top 5 sa 2018 Miss Universe pageant.
Ang Pinay actress-entrepreneur at 2016 Miss International na si Kylie Verzosa ang nagsilbing host naman ng pageant.
Samantala, ang Filipino-Kiwi actress at dating “Pinoy Big Brother” housemate na si Franki Russell ay naging kinatawan ng New Zealand, ang bansa ng kanyang ama.
Nakapasok si Franki sa Top 21 finalists at nanalo ng Best National Costume award.