HINDI prayoridad ng kapulisan ang pag-aresto sa mga biktima ng super bagyong si Yolanda na ngayo’y nasasangkot sa mga nakawan ng pagkain at mga gamit sa mga tindahan, lalo na sa Tacloban City.
Ayon kay PNP Chief Director General Alan Purisima sa isang pulong-balitaan, kung aarestuhin anya ang lahat ng mga sangkot sa looting ay wala rin silang pagkukulungan sa mga ito.
“Nagiging lenient po tayo sa mga arrest sa ngayon dahil, saan po natin ikukulong?” sabi ni Purisima. “This is the least of our concerns sa ngayon, ‘yung arrest of people.
As of now, we will be convincing them to return everything they have taken from the stores na na-loot nila,” dagdag pa nito.
LED TV, ref, etc.
Patuloy umano ang ulat nang nakawan sa mga tindahan at iba pang establisimyento, ayon kay Cabinet secretary Rene Almendras sa hiwalay na briefing.
Anya, meron silang natanggap na balita na imbes na pagkain ang nakawin, merong nagnakaw ng LED TV, refrigerator, washing machine.
Gayunman, naniniwala anya ang Palasyo na unti-unting maibabalik ang law and order sa mga susunod na araw.
Martial law, di sagot
Sa kabila nito, wala umanong dahilan para magdeklara ng martial law para tugunan ang ganitong mga sitwasyon. Gayunman, kailangan na magkaroon ng command at control sa lugar.
Sang-ayon din ang PNP na hindi sagot ang pagdedeklara ng martial law para mapigilan ang gulo. “In my opinion there’s no need to declare martial law, because ang kailangan dun ng mga kababayan natin ay pagkain, we should provide all the things that they need,” ani Purisima.
883 dagdag na pulis sa Visayas
Ibinigay ni Purisima ang mga pahayag sa kabila ng pagpapadala ng PNP ng 883 pulis sa iba-ibang bahagi ng Visayas na matinding tinamaan ng bagyo.
Sa Tacloban City lang ay 639 pulis ang ipinadala at karamihan sa mga ito’y inatasang pigilan ang mga insidente ng looting.
Sinabi ni Purisima na naiintindihan niyang pangunahing sanhi ng looting ay ang pagkagutom ng mga tao, subalit ang di katanggap-tanggap ay ang pagtangay pati sa mga appliances.
“Isauli na nila ‘yung mga kinuha nila at pagka nakuha namin sa bahay nila yun, we will file charges against them… ‘pag nakita namin ‘yung estante ng isang tindahan sa bahay mo, ibig sabihin ninakaw mo ‘yun.
Makikita mo kasi, lalo na ‘yung tinutulak na freezer ng ice cream, ‘yung television na bitbit, LED, ‘yung ibang items na hindi dapat kinukuha, this is already robbery,” aniya.
Pwersa gagamitin kung...
Kung magkakagipitan naman aniya’y mapipilitan na rin aniya ang mga alagad ng batas na gumamit ng puwersa. “Sa Tacloban, makikita na po natin na meron na tayong policemen na nagpapatrolya, they are armed, para kung kinakailangan pong susupilin itong mga grupo na ito, itong mga mob na ‘to, eh talagang susupilin natin,” anang PNP chief.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.