NAKARATING na sa Office of the President at sa Department of Budget and Management (DBM) ang panukala ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino para bumuo ng Sulu transition fund.
Samantala, binigyang-diin ni Tolentino ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng mga sangay ng pamahalaan para matugunan ang mga pangangailangan ng probinsya – habang tumatalima rin sa pag-uutos ng Korte Suprema na naghihiwalay sa Sulu mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa programang “Usapang Tol” noong Lunes, siniguro ni BARMM Cabinet Secretary Mohd Asnin Pendatun kay Tolentino na patuloy na makatatanggap ng sweldo ang mga kawani ng rehiyon na nakabase sa Sulu, lalo’t nakapaloob na naman ito sa badyet ng BARMM para ngayong taon.
Baka Bet Mo: Tolentino nanawagang resolbahin na ang isyu sa pondo ng Sulu
“Mula September 16 onwards, ibibigay pa rin ang kanilang sahod dahil naka-badyet na naman ito. Pero mayroon lang tayong papipirmahan na document of undertaking, para ipabatid ang posibleng implikasyon ng desisyon ng Mataas na Hukuman,” ani Pendatun.
Ikinatuwa ni Tolentino ang balita, sabay payo kay Pendatun na dapat ipagbigay-alam ng BARMM ang mga aksyon nito sa Commission on Audit (COA) para maiwasan ang anumang kumplikasyon.
Bilang tugon, sinabi ni Pendatun na nakikinig ang BARMM leadership sa mga pahayag ni Tolentino bilang gabay, habang naghihintay sila ng klarong direktiba mula sa pambansang pamunuan.
Ayon kay Pendatun, P9.08 bilyon ang nakalaan para sa Sulu sa block grant ng BARMM. Dagdag pa nya, bagama’t nalungkot ang pamunuan ng rehiyon sa pagkakahiwalay ng Sulu ay patuloy pa rin nitong pag-aaralan kung paano makakapag-intervene sa kaso sa Mataas na Hukuman.
Magugunita na si Tolentino ang unang nagsalita sa plenaryo tungkol sa posibleng ‘administrative at fiscal implications’ ng desisyon ng Korte Suprema sa Sulu, at sa pagbabalangkas ng Senado sa panukalang badyet para sa 2025. Patuloy ding nangalampag ang senador sa plano ng iba’t ibang ahensya para tulungan ang Sulu sa pagdinig sa kanilang panukalang badyet.
Sa pagdinig sa 2025 badyet ng Department of Interior and Local Government (DILG) noong isang linggo ay nangako naman ang DBM na maglalabas ito agad ng direktiba bilang tugon sa panukala ng senador.