Tolentino nanawagang resolbahin na ang isyu sa pondo ng Sulu

Tolentino nanawagang resolbahin na ang isyu sa pondo ng Sulu

Francis Tolentino

NANAWAGAN si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino na resolbahin na ang isyu sa pondo ng Sulu matapos magdesisyon ang Korte Suprema na ihiwalay ito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Paliwanag ni Tolentino, hindi naikonsidera ng pamahalaan sa paghahanda ng budget ang posibleng epekto ng desisyon ng Supreme Court kabilang na ang mga opisinang sangay ng BARMM na nakatalaga sa naihiwalay na probinsya.

Nauna rito, ibinahagi ni Sulu Gov. Abdusakur Tan sa senador ang ulat ng mga empleyado ng BARMM offices na diumano’y napagsabihan na hanggang Setyembre 10 na lamang ang kanilang sahod.

Baka Bet Mo: Rachel Alejandro nag-extra sa US TV show, sinubukang mag-Hollywood

Iniulat din ni Tan na walang sapat na pondo ang mga opisina ng BARMM sa Sulu para maipagpatuloy ang mga operasyon nito, kabilang ang upa at utilities, na hindi naman umano kayang saluhin ng pamprobinsyang pamahalaan.

Bilang tugon, siniguro ni Tolentino kay Tan na ipagpapatuloy niya ang paglilinaw sa isyu, lalo at binabalangkas din ng Senado ang panukalang budgey ng mga ahensya ng pamahalaan para sa susunod na taon.

Iniulat din ng senador na lagi niyang tinatanong ang mga kalihim ng ahensya kung paano nila pupunan ang puwang sa badyet ng Sulu dulot ng desisyon ng Korte Suprema.

Aniya, hindi umano nakapagbigay ng malinaw na sagot ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Science and Technology (DOST) nang sila’y tanungin sa mga pagdinig noong nakaraang linggo.

Tinanong din ni Tolentino sa pagdinig sa budget ang DILG kung saang rehiyon mapapabilang ang Sulu sa ilalim ng Philippine National Police (PNP).

Ang tugon ng PNP, babalik ang Sulu sa Region IX (Zamboanga Peninsula), kung saan ito dating nakapaloob, ayon sa senador, na sinang-ayunan naman ni Tan.

Magugunita na noong 2019, bumoto ang Sulu para ibasura ang Bangsamoro Organic Law (BOL), na naglalayong palawakin ang mga teritoryong nasasakupan ng dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Ngunit sa kabila nito ay isinama pa rin sa BARMM ang Sulu, na nagbunsod dito para maghain ng petisyon sa Mataas na Korte para kwestyunin ang constitutionality ng BOL.

Sa desisyon na inilabas nito noong isang linggo, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang probisyon ng BOL na nagdidirekta sa mga lalawigan at siyudad sa ilalim ng ARMM na bumoto bilang ‘single geographical unit’ – kasama na ang mga lalawigang nagbasura sa naturang batas.

Paliwanag ng Korte Suprema, labag ito sa Article X, Section 18 ng Konstitusyon, na nagsasaad na tanging mga rehiyon lamang na bumoto ng pabor sa isang referendum ang maaaring isama sa autonomous region.

At dahil ibinasura ng Sulu ang BOL, idiniin ng Korte Suprema na hindi tamang mapaloob ang probinsya sa nasasakupan ng BARMM.

Read more...