Vlogger sa ‘LRT date challenge’ dapat daw kasuhan: Huli pero di kulong!?

LRTA hinamon na kasuhan ang vlogger sa viral 'train date challenge'

Ilang eksena sa viral ‘train date challenge’ ng isang vlogger sa LRT-2

DAPAT na raw kasuhan at maparusahan ang content creator na nagsagawa ng “random train date challenge” sa loob ng LRT-2.

Yan ang hamon ng madlang pipol sa pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa naturang vlogger na naglagay daw sa buhay ng mga kapwa niya pasahero sa panganib.

Sa viral TikTok video ng naturang content creator na may handle name na @TrionKwentos, makikita ang kanyang paandar na “random train date challenge” sa loob mismo ng tren.

Baka Bet Mo: Vince Tañada balak kasuhan si Juliana Parizcova: Hindi naman siya kasali

Mapapanood dito ang paglalagay niya ng puting lamesa kung saan nakapatong ang dalawang baso, kandila at dalawang piraso ng chocolate bar. Isang kasamahan niyang lalaki na tila waiter, ang nag-prepare sa train date.

Ngunit tinawag ngang “challenge failed” ng mga netizens ang ginawa ng vlogger dahil sinita na siya ng guwardiya bago pa matapos ang kanyang content.

Pero in fairness, tagumpay pa rin siya dahil nasubuan niya ang katabing babae ng chocolate bar na dala niya na tumatanggi pa nu’ng una.

Kasunod nito, naglabas ng opisyal na pahayag ang LRTA at ipinagdiinan na labag sa kanilang policy ang ginawa ng content creator. Wala rin daw itong authorization sa kanyang content.

Paliwanag ng vlogger, “Akala ko pwede natin gawin dito ang mga pwede gawin sa ibang bansa.

“Gusto ko sana ipakita sa buong mundo na maganda ang mga public transportation dito sa Pilipinas na nag improve na ang mga tren,” sabi pa niya.

Sabi naman ni LRTA Administrator Hernando Cabrera sa isang panayam, “Anytime kasi pwedeng mag-activate yung emergency brake natin o biglang mag-sudden stop o mag-decrease suddenly yung speed natin, magliliparan yun.

“Yung baso pwedeng tumilapon, tatama sa pasahero. Kumain pa, bawal din yun,” dagdag pa niya.

Baka Bet Mo: Atasha, Vico dapat kasuhan ang mga vlogger na nagpakalat ng ‘buntisan’

Paliwanag pa ni Cabrera, “That is the reason why itong mga ganitong klaseng activity, pinagbabawal namin, in consideration sa ibang passengers. They value yung privacy nila so pag nahahagip sila ng camerang ganoon, nagko-complain yan.”

Ang susunod daw nilang aksyon hinggil sa insidente, “We’re thinking of sulatan siya, i-call yung attention niya, or ipatawag namin siya or bigyan siya ng sanction ayaw na naming palakihin ito.

“May instruction na kami sa mga guards na kapag may napansin kaming ganoon, pipigilan namin para hindi na pamarisan.

“Safety and consideration for others should always be a priority when using our train services. The LRTA reserves the right to take appropriate action against individuals who violate safety and security guidelines,” aniya pa.

At dahil hindi nga ito ang unang pagkakataon na ginawang content ng vlogger ang “random train date challenge” hinamon ng netizens ang LRTA na kasuhan at turuan na siya ng lesson para maging warning na rin sa iba pang gagawa ng mapanganib na content.

Read more...