FEELING ni SB19 Stell mas mahihirapan siya bilang coach ng “The Voice Kids Philippines” ng GMA 7 kesa sa naging experience niya sa “The Voice Generations.”
Makasama ni Stell bilang coach ng bagong edition ng “The Voice Kids” sina Billy Crawford, Julie Anne San Jose, at at SB19 Pablo habang si Dingdong Dantes pa rin ang magsisilbing host nito.
Sa naganap na presscon ng naturang reality singing search ng Kapuso Network, last September 4, ay natanong si Stell kung ano sa tingin niya ang magiging difference ng pagiging coach niya sa “The Voice Generations” at sa “The Voice Kids.”
“I think it will be challenging for me. Kasi nga po, it’s kids and I have experience with kids na, kasi parang meron akong mga pamangkin, mga pinsan na bata,” simulang pahayag ni SB19 Stell.
Patuloy pa niya, “But kasi, ito, I’m dealing with their dreams din. Para siyempre, at their young age, ayoko naman na ako rin yung magiging dahilan para masira yung pangarap na magkasama naming binubuo.
“Dahil siyempre, ‘pag nag-Blinds (Blind Audition), isa ako sa mga magsasabi ng magagandang bagay para ako yung piliin nilang coach. But sa mga next, Battles, ako rin yung magde-decide kung papauwiin ko sila or isasama ko sila sa next round.
“So, mahirap siya sa akin na parang papipiliin ako. Kumbaga, as a parent, papipiliin ako sino yung pinakapaborito kong anak na isasama ko sa ibang bansa. Parang ganu’n yung feeling,” sabi pa niya.
Ang Vocalmyx group ang nanalo sa “The Voice Generations” under Team Stell kaya may pressure rin para sa kanya ang pagbabalik sa “The Voice Kids” as coach.
“But I guess, because of The Voice Generations, nabigyan na ako ng…siguro mas pinatatag nang kaunti yung pagkatao ko when it comes to decision-making.
“Kasi, at the end of the day, this is a competition pa rin. And sinasabi ko nga sa kanila, ‘Pinili ko kayo dahil alam kong may kaya kayong ipakita at deserve niyo to.
“‘Pero sana, habang magkasama nating tinatahak yung journey niyo, yung dream niyo, pakita niyo sa akin na kaya niyo makipagsabayan, dahil hindi lang kayo yung mga karapat-dapat din sa pangarap na ito dahil marami kayong kasabay na kasing kaedaran niyo, mga kabataan, na meron ding malalaking pangarap kagaya niyo.’
“So, sinasabi ko sa kanila na, ‘Ipakita niyo sa akin na deserving kayo at gagawin natin ang lahat para maabot yung pangarap niyo.’
“So, for me, it will be very challenging, but I’m ready to take the challenge kasama yung bata. Dahil katulad nila, may pangarap din ako at sana sabay namin marating yun na magkasama,” ang pahayag pa ni SB19 Stell.
Magsisimula na ang bakbakan ng mga talentadong bata sa “The Voice Kids Philippines” sa GMA 7 sa darating na September 15, Sunday.