VERY happy ang actor-politician na si Mark Lapid dahil isa na siyang “doktor” na nakapagtapos ng doctorate degree!
Ang masayang balita ay ibinandera niya mismo sa kanyang Instagram account, kalakip ang ilang graduation pictures na naganap sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
Ayon sa kanya, nakapagtapos siya ng doctorate degree in Business Administration.
Nabanggit din ni Mark na ang kanyang nakamit ay isang patunay na ang edukasyon at pamumuno ay pwedeng pagsabayin.
Caption pa niya sa IG, “Maraming salamat po sa aking pamilya sa patuloy na pagsuporta at pag-antabay sa aking mga pangarap [folded hands emoji].”
Aniya pa, “Mahal na mahal ko kayo.”
Siyempre, proud na proud din ang kanyang ama na si Lito Lapid na ibinandera pa sa kanyang Facebook page ang “congratulatory” message para sa anak.
“Masayang-masaya ngayon sina Senator Lito Lapid at Mrs. Marissa Lapid sa pagtatapos sa isang doctoral degree ng kanilang anak na si Mark Lapid,” saad sa pahayag ng post.
Wika pa, “Sinabi ni kuya Mark na alay [niya] sa kanyang mga magulang ang doctorate degree.”
Si Mark ay kasalukuyang Chief Operating Officer (COO) ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).
Bukod diyan, tampok din siya sa “FPJ’s Batang Quiapo” na pinangungunahan ng actor-director na si Coco Martin. Ang role diyan ni Mark ay bilang si “Ben.”
Bago makamit ang doctorate, si Mark ay may master’s degree ng Management major in Development Management sa University of the Philippines in Los Baños, Laguna.
Graduate rin siya ng Bachelor of Science in Business Management sa Angeles University Foundation at kumuha rin ng ilang certificate programs sa Stanford University at Harvard University’s Kennedy School of Government.